Pamamayagpag ng mga Paruparo
Mga Kulay, Disenyo, at Pakpak
May naalala ka bang akda ngayon? Nobela kaya o maikling kwento? Tula, talambuhay, o anekdota? Isa kaya sa mga nabasa mong pagsasatitik ng buhay?
Isang libro ang sumagi sa isip ko ngayon. Dalawang taon na ang lumipas nang nabasa ko ito. Naalala ko dati, katatapos ko lang basahin ang In the Time of Butterflies ni Julia Alvarez. Malakas ang dating ng librong ito sa akin. Isa itong pagsasanobela sa buhay ng tatlong magkakapatid na babae. Sila ang mga Mirabal, Las Mariposas na humarap sa diktador ng Dominican Republic nuong kapanahunan nila. Magkakaputol sila sa pusod ng ina at magkakabuklod sa guhit ng palad.
Sa sayaw ng mga sirkumstansya sa mundo at intensyon ng tao, lumitaw silang magigiting bagama't di naman talaga sila nagsimulang mga rebelde. Sa katotohanan, nailuwal sila sa mariwasang kalagayan. At tumuloy ang kanilang buhay sa pagtapat sa diktador na si Trujillo. Kung nabasa ninyo ang deskripsyon ng mga tauhang babae sa kanya (nuong mga estudyante pa sila), maaalala ang Big Brother ni Orwell! At syempre, ang propaganda ni Marcos (ang pagpapalabas na "bukas na palad" ng kamaong bakal).
Sadyang kagilagilalas ang pinagdaanan ng tatlo. Tatlong daloy ang mga buhay nila, iba't-ibang landas patungo sa kadakilaan. Tila mga daloy sa isang musika, sadyang masining ang pagkakahabi ng sulatin sa mga sinulid ng totoong buhay nila. May matigas na babae, rebelde mula balat hanggang kaibuturan, may isang ipit na ipit sa mga personal na prayoridad, at may bunsong takot at balisa.
Masining talaga! Iba talaga ang paghanga ko sa Latin Amerikanong literatura. Kasapi ng kilusang pampanitikang ito si Alvarez. Isang kasanayan nila ang pagapalit-palit ng panauhan o person. Halimbawa, kay Fuentes sa kanyang The Death of Artemio Cruz, ginamit niya ang tatlo, ang ako (1st person), ikaw (2nd), at ang omniscient na kwentistang gumagamit ng siya. Nagpakitang-gilas rin si Alvarez dito sa pagdagdag ng iba't ibang pamamaraan ng pagapaparating ng kwento. May tuluyang narasyon, mga piraso ng balita, may nagpapadala ng liham, at may nagsusulat ng dyornal.
Syempre malakas ang dating niyan sa akin na kasalo rin sa mga ganyang moda ng pagsusulat, mga liham at dyornal. Ang kapansin-pansin, ayos na ayos ang pagkakahain rito, walang patid ang daloy. Ito ang tunay na baroque! Ayon kay Fuentes, sadyang ganito ang tanging tindig ng postkolonyal na Timog Amerikano. Paano pa nga ba haharap sa mundo mula sa aninong nagmula pa sa tinaguriang Age of Discovery? Hindi masisi ang pagsusulat na tila "pusang nakaranas nang mabanlian ng kumukulong tubig." Ito ang baroque! Ito ang estilong pudpod sa detalye at arte. Pinupuno ang mata. Ayon nga kay, Carpentier, ito ang sining sa ilalim ng horror vacui o takot sa mga blangkong espasyo (parang jeep at showbiz natin!). Pinupuno ang lahat ng puwang sapagkat may takot na punan ito ng mga mapaniil na elemento, mga conquistadores, mga diktador, mga kumokontrol sa media, at nagmamanipula sa kasaysayan. Isipin halimbawa kapag nangangatwiran tayo at lahat ng mga detalye e nilalabas natin, ipinapahayag. Gusto natin, kongkreto, puno. Walang puwang para sa mga kumokontra.
Sa totoo lang, bumagsak ang puso ko pagkahuman ng pagbabasa ang tomo. Mabigat, talaga, sa totoo lang bagamat di mapaparatangang walang siste o sense of humor. Iyon pa nga kadalasan ang mas nakakalungkot, ang pagpawi sa ilaw ng mga nagpatawa o nagpangiti man lang sa iyo.
Masokismo ang pagbabasa ng mga trahedya. Ngunit tama ang mga Timog Amerikano sa pagapapatuloy sa proyektong namana pa nila kay Cervantes. Mainam para sa atin ang ganitong pagbabasa sapagkat ito ang ubod ng anumang humanismo. Ito ang katotohanan ng buhay, trahedya, pangunahin sa apat na Katotohanang kinilala ni Budha at binabaka ng lahat ng relihiyon. Ito ang lagablab na nagpapakita sa atin ng ating mga kahinaan, kalakasan, mga landas tungo sa pagkurakot ng budhi, at mga pwerta tungo sa potensyal nating kadakilaan.
Ibang mata at puntodebista ang dala ng literaturang postkolonyal ng Latin Amerika. Maganda ito ang mundong ipinipinta nito - masaya, malungkot, mahalimuyak, mabaho, masansang, maingay, tahimik, kubli, at hayag! Higit sa lahat, makatotohanan ito kahit sa kabila ng pagbansag ng mga Hilagang Amerikano na ito ay masalamangka. Magical realism daw o!
May mahika ito, totoo. Pero kung tutuusin, mas niyayakap nito ang suhetibong aspeto ng ating pagkatao. Kaya, sa isang banda at piling pananaw, mas makatotohanan pa ito kaysa sa sining at pag-aaral ng mga kanluraning panitikero at historyador.
Kasalo natin ang mga taga Latin Amerikano sa maraming bagay, mga pista, santo, apelyido, at higit sa lahat, sa makasaysayang karanasan. Sa mga masyadong tumitingala sa Kanluran, mababasa sa Latin Amerikanong panitikan ang yaman ng puntodebista ng talunan, ng gapi, ng mga kaisipang nasakop ngunit umaalma. May angking kagandahan ito na kaiba sa minsa'y sobinistang likha ng mga nakapwesto sa gahum o kapangyarihan.
Biyaya ng Dominican Republic ang mga manlilikha tulad ni Alvarez. Sa pamamagitan ng sining niya, naitanghal ang buhay at kamatayan ng mga mariposa at naisakonteksto ito sa kalakhang kasaysayan, sining, at kaisipan ng bansa. Nakilala ng mga babae ang pag-ibig, karahasan, matatayog na pangarap, munting problema, ligaya, at pighati, dugo ng sugat, regla, wasak na hymen, panganganak, at ng mga huling sakripisyo. Ano ba talaga ang kahulugan ng lahat ng ito sa hedonismo ng ating kasalukuyan?
Makahulugan ang kontribusyon niya, sadyang masining ito kaya't wala kang problema sa entertainment. Lagpas pa rito, may saysay ito hindi lamang sa mga oras na pinalilipas ngunit pati sa kabuuang sining ng ating mga buhay.
Ikaw naman, may naalala ka bang akda ngayon? Anong unang pumasok sa utak mo? Isa kaya sa mga nabasa mong pagsasatitik ng buhay?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento