Hul 16, 2002

Mga Pinagkakalibangan

Anong mga pinagkakalibangan ninyo sa mga panahong ito?

Kumusta na kaya ang mga tao? Sana naman hindi nalunod sa baha o naimpeksyon ng leptospirosis! Patibayan na lang ng payong at botas ha! Pagandahan ng jacket at walang katapusang wet look!

Gudlak kay Astrid na humayo patungong Thailand. May talento kasi sa puppetry itong si Astrid at kasama niya ang Teatrong Mulat sa pagtatanghal nito sa Bangkok. Doble ang itatagal niya ruon at mas malawak ang sakop ng tour niya kaysa sa bisita ni Jol duon nuong Mayo. Bilang pamamaalam na rin kay Astrid, nagkita-kita ang maangas na block nuong Biyernes. Kinwento na ito ni Jessel. Si Jol e tumuloy sa kanyang Tomo-kai engagement. Ako e umuwi para maghanda para sa report ko.

Kung alam ko lang na sususpindehin ng CHED! Sayang ang mga acetate ko! De-kulay pa naman! Sana nagtagal na lang ako't naki-angas at nagtsaa kasama nila. Masarap na panghimagas yun! Talaga itong pag-aaral, sagabal e! Wehehe!

Napanood ko na ang "Sum of All Fears" at "Minority Report" dahil nga lumuwag ang aking isked. Maganda ang mga palabas laluna ang binibining kasama. Magaling talagang mag-isip si Tom Clancy sa loob ng balangkas ng internasyunal na pakikipag-ugnayan. Kaya naman nuong una siyang nakapaglathala, naimbestigahan sya dahil napagkamalang espiya. Mabusisi kasing mag-aral at magaling magkonek-da-dots sa utak.

Pero ang paborito ko sa mga napanood ko ngayong mga panahong ito ang pelikulang "Malena". Pinangungunahan ito ng Italyanang aktres na si Monica Bellucci. Masinop ang pagkakatapat (at sa huli'y pagkakatali) ng pagbibinata ng isang mamboboso at ang mga pangyayari sa isang bayan sa Sicily sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa Lifestyle Channel ko ito napanood (magaganda ang mga pelikulang tampok nila sa kanilang anibersaryo). Natsambahan ko naman sa HBO ang "Tea with Mussolini" na pinangungunahan nina Judi Dench at Cher. Tinutukan nito ang isang grupo ng mga Ingles at Amerikano sa gitna ng pasistang Italya. Parehong nasa ilalim ng anino ng Il Duce ang mga pangyayari sa dalawang pelikula. Ngunit sadyang magkaiba ang pokus, tema, at takbo ng dalawa.



Mas natipuhan ko syempre ang "Malena." Bukod sa litaw na superyoridad sa pagkakatitik at pangkalahatang estetika, syempre si Monica Bellucci muna bago si Cher! Maganda pa pangalan! Pero sa ngayon, tigil muna sa mga paglilibang! Kunwari seryoso uli. Ako naman ang makikibahagi sa inyong mga pinagkakaabalahan at pinagkakatuwaan.

Anong mga pinagkakalibangan ninyo sa mga panahong ito?

Walang komento: