Tanghalian
O "Al Ajillo ba ang Apelyido mo Manong?"
Dati, paborito ko nang tanghalian kapag nagpapadeliver ang mga kaopisina ko ng manok ng K-, spag ng J-, at salad ng W-. Minsan lang ito kaya mas madalas kaming pumili sa dalawang karinderya. Siguro nga, mas maiibigan ko pa ang mga yun kung hindi lamang sa taas ng araw sa tanghalian. Dahil sa salik na ito, mas karaniwan kami sa karinderyang mas malapit sa opisina, mas tutok ang bentilador, at mas malayo sa interseksyon ng usok at ingay ng mga traysikel.
Nuong isang linggo, nabalitaan namin ang masarap na pagkain sa isang karinderyang medyo mas malayu-layong lakad pero sa mas liblib na lugar. Nagpadala kami sa sabi-sabi at inakay pa namin ang aming bisita. Hindi kami napahiya.
Simple lang ang set-up ni Manong. Ikinumpara ko sa dating madalas naming kainan. Mas maliit ang espasyo, tila nga kumakain kami sa pinagtagno-tagning porch ng maliit na bahay. Iisa lang malaking mesang bilog sa loob pero maaring dagdagan ng isang set ng monoblock sa labas. Isang katlo lang ito ng maiuupo sa kabila. Walang telebisyon sa pader. May bentilador, kaya lang nakadisplay lamang dahil sira.
Apat lamang ang pagpipilian na putahe habang umaabot sa anim sa kabila. Pero lilimampisuhin ang takal ng kanin na katumbas ng isa't kalahating siyam na piso sa kabila. Heto ang pamatay. Yaong dalawang karinderya, naghahain ng libreng tasa ng sabaw bukod sa order na ulam. Depedepende lang, karaniwan sabaw ng sinigang o nilaga pero minsan tinola o papaitan.
Dito kina Manong, isa lang ang bonus na sabaw, Lunes hanggang Sabado. Hindi ko makuhang magsawa sa sabaw na ito, kahit nanlalagkit na sa pawis at inaabot na ng init ng lamanloob ang init ng yero, nagpangalawa pa talaga! Yaong isang kalapit-opisina namin, humirit pa nga:
"Manong, butas yata itong mangkok nyo e!"
Garlic soup ang masalamangkang hain ni manong. Nuong unang higop ko pa lamang, napaisip na ako kung ano ang pangunahing trabaho ni Manong. Alam naming saydlayn lang ito. Bakit 'ka nyo? Gawa nang higit na malinamnam ang sopas al ajillo na ito kumpara sa natikman ko sa mamahaling kainang D- at M-! Saan kaya siya nagtatrabaho? Head chef kaya sa hotel, club, o resto si Manong?
Inubos ko ang pangatlong hirit ko sa sopas para hagurin ang lalamunang nakipagbuno sa sarap-tapang na anghang ng kanyang laing. Kinabukasan, tigkalahati ng dalawang putahe ang inorder ko para makarami ng sampol sa aking magiliw na pagsisiyasat. Ako lang at ang paborito kong nars ang kakain. Malayang makapag-uusisa sapagkat walang kalapit-opisina o bisitang pagtuunan ng pansin.
Apritadang Manok at Buttered Vegetables ang mga kaso. Sige't tama lang ang lapot ng sabaw ng apritada. Hindi pinagkagastusan ng sobrang tomato sauce pero hindi naman malabnaw. Baka nga tomato paste ang ginamit rito (mas praktikal ito lalo't pangmaramihan). Pero malasa ha! Matipid pero "masining" pa rin. Sa halip na sikilin ng sarsa, napalitaw ang lasa ang manok.
O sige, gulay naman. Aba, pino! Parang mamahaling mantikilya ang ginamit rito a! Ansarap! Napasama ang tingin ko sa kasama kong nars kasi dalawang pugo ang nasa platito nya, sa akin iisa. Dapat sana, pagkakain na ako makikipaghuntahan. Pero inihain ang sopas al ajillo at isang higop ko lang sa sabaw, hindi ko na napigilan ang sarili ko:
"Manong, ano nga ba yung nabanggit nyong Chinese herb na nilagay rito?"
Pinilit ko pang ikubli ang pagsusumamo sa aking boses. Kunwari, swabe at kaswal pero baka igapos ko sya sa kanyang bentilador kapag di niya ako pinansin. Sa kabutihang-palad, tumugon siya:
"Sibut! Sibut, yan. Natutunan ko sa H-. Sa Marikina ko pa kinukuha yan, 150 kilo. Galing yan sa kahoy. Isasama sa soup stock, yung pinagkuluan ng baboy at manok. Hindi pwedeng isama ang baka."
Ayun! "Para ho walang sebo?" Kunwari pang nagtatanong hetong inyong nagmamarunong na kostumer. Sumang-ayon si Manong kaya tumuloy-tuloy na ako sa aking panayam, pagkahigop ng ikalawang sabaw:
"Duon po kayo sa H- nagtatrabaho?"
Hindi raw. Ayon kay Manong, kasama ang pagsuhay ng kanyang ina na naglabas ng mga sopdrink at nag-aayos ng mga plato, may catering sila. Inimbitahan pa kaming magpa-cater sakaling magsipagkasal na. Sa puntong ito, nakahabol na sa amin ang isa pang nars, nakadestino na sya sa Canada at ikakasal sa Disyembre: "Opo! Tamang-tama, sabaw lang ang plano naming handa!"
Heto ang mga napag-alaman namin. Ilokano si Manong, tubong norte. Ibig sabihin, talagang mapait ang kanyang papaitan. Iba ang pakbet nya pero sa kwento pa lang ng mga sahog, naglalaway na kami. Kahit patapos nang magtanghalian. Ayon sa kanya, matakaw sina Bishop Bacani at Villegas. Si Cardinal Sin naman, isda at gulay lang ang kinakain, mahilig sa fish fillet. Nagkakarne lang kung roast beef. Bakit nya alam ito habang karamihan, hindi alam ang diet ng mga pari sa labas ng ostya at mompo? Dahil siya ang caterer ni Cardinal Sin at nakakadalo tuwing may bagong paring pasisinayaan.
Malabong maging suki muli ako sa kabila. Hinihintay ko kasi, baka sakaling mataon akong makasalo sa garlic chicken nya. Malamang na hindi mabawasan ang sarap ng mga hain ni Manong kahit pa maungkat ko ang bawat sikreto ng kanyang tostadong bawang, kintsay, soup stock, at sibut! Kaya't duon nyo ako matatagpuan sa ilalim ng kanyang yero, katapat ng tahimik na bentilador, tumatagaktak ang pawis, at nagpapainit ng tiyan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento