Peb 11, 2003

Kaiba Nga Ba Ang Maynila?

Inilagay ko rito ang sagad-sagaran kong buod sa lektyur ni Dr. Trevor Hogan na "Rethinking Southeast Asian Cities: The Peculiar Case of Manila." Isa ito sa mga bagay na kasalukuyang pumupukaw sa aking ulirat. Sa totoo lang, paimbabaw kong motibo na makuha ang kurukuro ng mambabasa tungkol sa Maynila at sa ibang mga lungsod sa Timog Silangang Asya na palaging itinatapat rito. Bunga ito ng aking pagkaignorante sa labas ng aking kinagisnang lungsod. Kung hindi abala, nais ko lamang maliwanagan. Gusto kong malaman ang isang bagay sa lahat ng madugo o makulay na detalye nito.

KAIBA NGA BA ANG MAYNILA?
Lagom ng Isang Lektyur Tungkol at Ukol sa Ating Lungsod

Ipinaliwanag ni Hogan ang "Southeast Asian City" bilang imbensyon lamang ng mga kanluraning iskolar nuong panahon ng Cold War. Isa itong mito na nakaugat sa pag-aaral sa Jakarta. Mayruon ring pag-aaral na nag-aambag sa pagbuo ng tatak na lungsod-SEA na nakabase sa Bangkok. Gayumpaman, kapwa ito hindi angkop at mabisa para sa pag-eksplika at pagkategorya sa Maynila.

Nagsarbey rin si Hogan ng iba't ibang lapit sa pagtingin at pagturing sa Maynila. Bagamat maraming naipapaliwanag ang mga teoryang ekolohiya, globalisasyon, modernisasyon, post-kolonyal, at sibilisasyon, kulang pa rin ang mga ito at kailangang bumuo ng bago. Kailangan nitong maisaalang-alang ang kasaysayan at kultura ng Maynila at ng mga tao rito.

Tumutungo ba sa pagiging magkakamukha ang mga lungsod ng mundo sa panahon ng globalisasyon? Kung sa mga termino lamang ng teknolohikal na kontrol at pragmatikong konsiderasyon titingnan, maari ngang dito mauwi ang lahat. Pero isinasaisantabi ng ganitong pagtingin ang kinikilala ni Dr. Raul Pertierra bilang trabaho ng kultura. Bagamat madalas nakaliligtaan ng mga iskolar at nagpaplano ng lungsod, sadyang napakahalaga nito sa pagtukoy ng huling kalalabasan ng ating Maynila.

Ikinumpara ni Hogan ang Maynila sa Melbourne, ang kanyang tahanan. Bagamat parehong kolonyal ang nakalipas, naging sadyang maswerte ang Melbourne dahil sa pagkakalagay nito sa pagitan ng tao at ginto.

Itinapat rin niya ito sa Singapore, ang lungsod-bansa na tinitingala sa rehiyong tropiko. Napakakompetitibo at mapanukat sa sarili ang kasalukuyang Singapore. Makaraang humiwalay sa Malysia, malay nitong winasak ang mga makahulugang bahagi (i.e., kultural) sa ngalan ng pag-unlad bilang pangunahing lungsod-daungan sa tropiko. Nang nalaman nitong hinahanap-hanap rin ng mga banyaga ang kasaysayan at kakanyahan ng Singapore, dali-dali nito hinagilap ang mga piraso ng nadurog na nakalipas at isinaayos sa theme park. Sadyang komersyal at malayo pa rin sa orihinal.

Kinilala rin ang mga kahawig na problemang estruktural sa Bangkok at Jakarta. May pagkakapareho sa kondisyon ng klima at sa limitasyon ng imprastruktura. May mga banal na espasyo sa Bangkok at may mga espasyong panrelihiyon rin sa ating lungsod. Gayumpaman, sadyang kakaiba pa rin daw ang Maynila. Maituturing itong isang tiwalag na piraso ng Peninsulang Iberian sa Asya.

Kinilala ni Hogan ang Maynila bilang isang megacity sa mga kasalukuyang pamantayan. May presyur dito para mapawi ang kahirapan, mareporma ang ekonomiya, maisulong ang teknolohiya, at mapabuti ang pamamahalang lokal. Maaring bumuo ng profile ng Maynila ayon sa sampung puntong pamantayan ng mga lungsod. Kabilang rito ang presyo ng pagkain relatibo sa kita, espasyo ng tirahan, edukasyon, pampublikong kalusugan at kaligtasan, mga serbisyo at utility, daloy ng komunikasyon at transportasyon, at antas ng ingay at polusyon.

Ngunit alam ni Hogan na mas kabisado ng mga Manilenyo ang mga ito. Mas minabuti ni Hogan na tumutok sa mga punto ng pag-asa. Sadyang malikhain ang mga Manilenyo, laluna yaong mga nasa mabababang uri. Ayon sa kanya, malaki ang isinulong ng Maynila sa loob ng 14 taon. Ayon kay Hogan, maaaring nasa Maynila na ang mga elementong naisasaisantabi sa pagsaalang-alang sa Maynila na makatutulong sana rito.

Ayon kay Hogan, maari itong matugunan ng dialogo sa pagitan ng banyaga at lokal kung saan wala sa mga partido ang may monopolyo sa tamang interpretasyon at solusyon. Siguro, sa kurso ng mga dialogo sa pagitan ng mga nasa loob at nasa labas, matutukoy, mapalilitaw, at tuluyang magagamit ang mga solusyong inherent na sa atin. Kalakhan ng mga salik na ito ang mismong mga katangian ng mga Manilenyo.

Walang komento: