Naging tagalabas na ba kayo sa ibang lugar?
Naramdaman nyo na bang maging banyaga? Kahit pa anong mangyari, iilang lugar lamang ang matatawag na tunay na tahanan ng isang tao. Taga-Maynila ako, walang duda. Hinding-hindi ko nanaising maging banyaga sa sarili kong lungsod. Kaugnay nito, hindi ko rin makukuha ang pakiramdam at puntodebista ng banyaga sa Maynila.
Ito siguro ang isang dahilan kumbakit binigyang-halaga ko ang mga pinagsasasabi ni Dr. Trevor Hogan. Banyaga siya at alam niya iyon. Katuwang ng kanyang paniniwalang may maiaambag siya ang kanyang respeto sa mga tagaloob, ang mga awtoridad sa paksa ng lungsod.
Hindi ko binibitawan ang nauna kong tanong: Kakaiba nga ba talaga ang Maynila? Pero minabuti kong isunod sa aking pagtatanong-tanong ang ulat ko sa diskarte ng isang banyagang iskolar sa pagtalakay sa Maynila sa harap ng mga Manilenyo. Ito muna ang aking kontribusyon sa usapan, ang eksposisyon ni Hogan sa pagkakaiba.
KAIBAHAN AT KOMEDYA
Ang Banyagang Iskolar bilang Payaso
Malay si Hogan sa kanyang pekulyar na posisyon. Kinilala niya na tunay nga at parsikal na nagsasalita siya, isang Australyano at tagalabas, sa mga Manilenyo tungkol sa Maynila! Batid niyang sadyang mas maraming alam at ramdam ang kanyang audience kaysa kanya.
Gayumpaman, inaalok niya ang mga manunuod na pakinggan ang kanyang mga repleksyon bilang isang galing sa labas. Maaring bago at iba ang maibibigay niya para sa manunuod sapagkat hindi ito nagmumula sa pagkagamay at pagkaintindi ng mamamayan sa lungsod kundi mula sa ibang pundtodebista, mga di-pagkakaintindi at mismong kawalang-gamay ng tagalabas.
Nagpakilala siya bilang payaso. Pinili niya ang komikong modo ng pagpiprisinta. Ayon sa kanya, hindi ito simpleng pagpapatawa lamang sa kondisyon ng lungsod at bansa. Isa itong pagkiling sa komedya, ang piling moda ng romansa. Sa pamamagitan ng modong komiko, mauungkat ang dimensyon ng trahedya, ng kalunos-lunos. Pero dahil sa aspetong romantiko, mauuwi ito sa tono at pagtatapos ng pag-asa, gaano man ito kaliit. Kaakibat nito ang paanyaya ng nagsasalita sa nakikinig na dalhin ang pamosong kritisismo sa sarili sa ibang mga produktibong posibilidad, halimbawa sa larangang normatibo at etikal.
Napuna ni Hogan ang disposisyon ng mga tagalabas na kumunsumo ng kaibahan. Sa unang tingin, ito ang pinunta rito ng iskolar, mangangalakal, turista, at iba pa: ang mga pinagkaiba ng narating kumpara sa pinanggalingan. Hinahanap ang ibang makikitang lugar, obra, at tao. Inaabangan ang maririnig na wika at mababasang senyal. Syempre, hinahagilap ang kakaibang malalasahang pagkain!
Ngunit mula sa ganitong pangonsumo ng kaibahan nauuwi rin madalas ang mga banyaga sa pagbabawas ng kaibahan! Ilang mga kanluranin ang kumakain rin lamang sa McDonald's pagdating sa ibang bansa at tumitira sa mga hotel na ipinadron sa kanilang mga nakagisnan. Tumutungo rin sa pamilyar para maging komportable.
Ayon kay Hogan, hindi mga tagaloob lamang ang makalulutas sa mga suliranin ng lungsod. Hindi rin lamang malulutas ng mga tagalabas. Kailangan diumano ang patuloy at umuunlad na dialogo sa pagitan ng mga nasa loob at nasa labas ng Maynila. Kung gayon, layunin dapat ng mga nagdidiskurso at kumikilos sa lungsod na lampasan ang basta lamang pagkonsumo o pagkaltas sa kaibahan. Ayon kay Hogan, kailangang tunguhin ang kabilaang pagkilala sa kahalagahan ng mga pagkakaiba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento