Pupuntiryahin ko na naman ang paghain ng mga sipi mula sa lektyur ng Australyanong iskolar na si Dr. Trevor Hogan tungkol sa Maynila. Sa aking palagay, mas delikado (sa kambal-kahulugang 'peligroso' at 'delicate') ang presentasyong ito para sa kanya dahil tao na ang pinag-uusapan rito. Sinasabi niya sa akin, ako bilang isang taga-Maynilang nakikinig, ang tungkol mismo sa akin!
Gayumpaman, inaatras ko ang pansariling reaksyon pabor sa interes kong maghatid ng pamukaw-isip at tumanggap ng feedback. At sa puntong ito, daghang pasasalamat ang nais kong ihatid sa lahat ng lumalahok sa ating munting piyesta ng pagsasapantaha. Maaring patulan ang mga nakalipas na ideya o tanong o di kaya'y sunggaban na mismo ang mga tanong ni Hogan sa ibaba.
Tama kaya ang sinasabi niya tungkol sa mga Manilenyo? Mismong nakatikim na maging Manilenyo ang makakatugon, hindi ba?
ANG MANILENYO
Isang Paghimay sa Tagalungsod
Nagpanukala ng dalawang ideya si Hogan tungkol at naukol sa mga kaharap na nakikinig sa lektyur. Nagsasalita siya sa harap ng mga Manilenyo-de-Ateneo at batid niya na panay maykaya ang kanyang manunuod. Heto ang kanyang kambal-katanungan:
Paano kung hindi ang mabababang uri ang problema?
Kaugnay nito, paano kung hindi ang matataas at gitnang uri ang solusyon, at baka pa kaugnay rin sa problema?
Pinuna ni Hogan ang ating produksyon ng yaman at ang estilo ng pamumuhay na binuo natin kaugnay nito. Ayon sa kanya, kapansin-pansin ang pag-etsapwera ng mga nakatataas at gitnang uri sa dumi, peligro, at kaguluhan ng lungsod. Para pahupain ang epekto ng mga problema, isinasaisantabi ito, iniilagan, o itinatapon sa labas. Nagiging tanggap na pagtugon ang pagtapat ng mga pribadong solusyon sa mga pampublikong problema.
Halimbawa nito ang paglisan mula sa lungsod. Kung hindi man tumuloy-tuloy na sa ibang bansa, sumusunod sa daloy ng suburbanisasyon palabas ng lungsod. At kung hindi man palabas, paloob ang paglisan. Nagkukulong ang maririwasang Manilenyo sa loob ng magiginhawang kondo, kulob ngunit ligtas mula sa polusyon, peligro, at problema. O di kaya'y rumoronda sa loob ng primera klaseng awto, kuntodo itim na tina sa mga bintana, hiwalay maging sa paningin at persepsyon ng mga tagalungsod. Madalas pang nagsususuot sa mga mall at komersyal na establisimyento. Sa huli, isinasapribado ang kahulugan ng pagiging-nasa-Maynila.
Sa kabilang banda naman ang nilalait na urban poor, ang mismong kalakhan ng kalakhang Maynila. Paano kung hindi sila ang problema? Paano kung may mga katangian silang susi sa paglutas ng problema? Inihain ni Hogan ang ideya na ang mahihirap sa lungsod pa ang maaring sentral na aktor ng Maynila. Kaya naman inayawan niya ang problematikong tawag na 'iskwater' pabor sa mas malinaw na 'mga impormal na ekonomiya ng mahihirap'.
Pinansin at nilista niya ang mga katangian ng uring ito. Heto ang mahihirap, sadyang pragmatiko, sanay kumilos na may resulta (katiting man sa mas nakatataas na mata), malikhain, maparaan, at madaling nakaaangkop sa mga dagok ng buhay.
Pinulot ni Hogan ang palasak na ehemplo ng jeepney. Isa itong patapon na behikulo ng mga sundalong Kano makalipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Aba't kinuha pa ang basurang ito, inilaan sa kolektibong gamit at pinagtayuan ng payak na negosyo! Ginamitan ng tradisyunal na diskarteng artisano ang dyip at naiangat sa antas ng industriya!
Hinahangaan ni Hogan hindi lamang ang produkto kundi pati ang serbisyo. Mahusay para sa kanya ang pagmaneho rito bagamat alam niya na minsan kinaaasaran ito ng tagalungsod. May halaga sa kanya ang pamamaraan paano nasasagad ng drayber ang espasyo at nasasabayan ang daloy.
Walang partikular na panukala si Hogan ngunit minarka niya ang pagkamalikhaing ito - mukha mang maganda o pangit sa atin - bilang isang malaking yaman na dapat tukuyin at gamitin sa benepisyo ng lungsod.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento