Peb 17, 2003

Heto ang huling paghahain ng mga ideya mula sa lektyur na "Rethinking Southeast Asian Cities: The Peculiar Case of Manila" ni Dr. Trevor Hogan ng La Trobe University sa Australia. Muli, pinakamahalaga sa akin ang pananaw ng mambabasa. Sakaling nakilahok, hayag man o hindi, tanggapin sana ang aking pasasalamat.

Bago magkomento, nais ko lang ipaalala sa mahal kong mambabasa na libre ang mangarap, huwag sanang magtipid. Maaring magbigay ng pag-analisa at edukadong ispekulasyon pero aba! walang pumipigil sa nais managinip! Minsan ang pumipigil o nag-iiba sa
'siguradong-magiging...' ay isang simpleng 'sana...'

Heto ang huli at siguro pinakamahalagang tanong:


ANO NA NGAYON, MAYNILA?
Kontrol, Kahulugan, at Kinabukasan ng Kabisera


Espesyal ang Maynila sa Pilipinas. Walang anumang lugar sa Pilipinas ang nakadugtong sa sarisaring paraan sa iba't ibang lugar sa daigdig. Isang kabisera ang Maynila at lulan nito ang mga sentro ng kapangyarihan at kalakal. Dito isinasagawa ang pinakamahahalagang aksyong pulitikal na nakaaapekto sa bansa-estado.

Sa kabilang banda, nasa Maynila rin ang mahahalagang espasyong relihiyoso at kultural. Kung tutuusin, ayon kay Hogan, ang kabisera ang teatro ng bansa para sa pagsisiwalat sa ibang bahagi ng Pilipinas at sa ibang bansa. Dito ipinoprodus at muli't muling ipinoprodus ang mga simbolo at kaugnay na kahulugan ng pagkabansa, ng pagkaPilipinas ng Pilipinas. Para kay Hogan, sa ganitong pagtingin, sa Maynila binubuo ang bansa mismo. Sa isang pagtingin, sa Maynila nanggagaling ang bansa.

Maynila ang sentro, hindi lamang ng ekonomikong kapital. Narito rin ang mga sentro ng edukasyon at kaalaman. Kung gayon, dito rin nakakonsentreyt ang kultural at simbolikong kapital ng bansa.

Ayon kay Hogan, nasasalamin sa mga katangian, aktibidad, at pagsasaalang-alang na ito ang dobleng pagkagapos ng mga Manilenyo. Nakokomit ang tagalungsod sa dalawang pangangailangan: ang 'teknolohikal' sa isang banda at 'hermeneutical' (o historikal) sa kabila. Habang pilit tayong nagtataguyod ng kontrol, naghahanap rin tayo ng kahulugan.

Huling paanyaya ni Hogan na muling romantisahin ang Maynila, ang mga daluyan at katawan ng tubig nito bilang lungsod-daungan, ang mga pampublikong espasyo, at ang nakaikid na kasaysayan at kwento sa mga ito. Inaanyayahan tayong muling tangkilikin ang ating lungsod, balikan ito sa halip na lisanin, kaunin ang kolektibong alaalang nakaimpok sa syudad, at maghabi ng mga bagong salaysay at saysay rito.

Ayon kay Hogan, mainam na talikuran ang pagtanaw sa Maynila bilang suliranin. Bilang panimula, tingnan sana ang Maynila bilang lungsod na may kultura, kasaysayan, at halaga. Dahil nagtapos rin siya sa tono ng pag-asa, ipinapamalas rin sa atin ang isang Maynilang may hinaharap.

May hinaharap pa nga ba ang Maynila? Ayon kay Hogan, malaki ang pag-unlad ng Maynila kumpara sa estado nito 14 taon ang nakalipas. Laluna kung ikokonsidera ang mabilis na pagdami ng mga residente nito!

Ano nga kaya ang Maynila lima o sampung taon mula ngayon?

Walang komento: