Kita mo na rin ba ang pagsasanga ng daan?
Tanaw ko na rin. Bayaan mo, darating rin tayo dyan. Duon muna tayo sa likod tumingin. Tigil ka muna, malasin muna natin ang mahabang nilakad natin. Dati tinakbo pa natin yan. Makailambeses tayo napilitang tumalon. Minsan naman, trip lang nating magtatalon. Kahit pa nuong nakaraang sandali lang, nadapa tayo. Muntikan na nga tayong pira-pirasuhin ng mga nagngangalit na rottweiler at dober, tig-aapat pa ang mga mata nilang nakatutok sa atin. Pero, hala, sige, nagtatalon pa tayo. Buti na lang hindi ako nadapa pang muli kahit lumanding ang kanang paa sa balat ng mangga. Pano ba naman e nandyan ka. Megasalo ang drama ng balikat mo sa braso ko. Pwera pawis, pwera anghit, pwera lahat! Hala, tuloy tayo magkakaripas!
Pero hindi naman ang panga ng mga aso o lobo ang mabagsik.
Minsan inabutan na tayong kasagsagan ng araw. Naging tuyo tayo. Tigang na nga, kung yun ang salitang gusto mo. Basta sa bawat hakbang natin, umaangat ang alikabok at pumapatak ang pawis. Pero sige, hala banat ang paglalakad! Minsan naman inabot na nga tayo ng dilim, nabagsakan pa tayo ng ulan. Unaambon lang sa umpisa kaya kunwari trip pa nating magtampisaw. Naririnig ko pa ang malutong na halakhak mo. Biglang nilunod ang halakhak mo ng parahas na parahas na pagpapatak. Ayun kamo, tili naman ang banat mo. Pero mukhang masaya ka pa rin. Madali mo namang nakomunika sa akin ang kaligayahan mo. Para tuloy lohikal na ekstensyon na lamang ng pinawing pawis at panibagong pagkabasa ang sumunod pa nating antas ng kabasaan. Magaling. At pagkatapos, ang alibughang bukangliwayway.
Maya-maya, isang tuyot na tanghali. Saka lang natin natutunan muling magsalita.
Heto na nga tayo, matibay at makamandag na ang ating mga panga. Heto pala ang nilakad natin. Hindi natin namalayang dito patungo ang lahat ng hakbang at likido. Tumatango ka na ngayon at walang karitmo-ritmo ang pagdaloy ng alat mula sa iyong mga mata.
Ayaw mo na palang magbaliktanaw. Nakaharap ka na sa takipsilim. Ayan at nakita mo na rin, sa wakas, ang pagsanga ng ating daan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento