Para Kay Wisely
Heto ang ehersisyo. Dapat maaga kang gumising. Bago magising ang sinuman. Bago may magbukas ng telebisyon o magsimula ng huntahan. Buklatin ang mga sipi ng isang yumaong diarista, halimbawa, si Pepys o Franz. Okay na kahit isang entri lang isang araw. Basta may laman ang buhay mo bukod pa sa buhay mo.
Magbasa ng isang tula mula sa mga tomo, halimbawa, ni Abadilla o Bautista. Para literati ka kahit walang mga poetry reading na nauuwi lang sa hungkag na kama. Namnamin lang ang lasa ng dumadaloy na kataga. Kung iisa lang ang kakayanin kada araw, e di matutong mamaluktot sa loob ng iisang balangkas. Kadalasan, kapag marunong kang magbasa, mas malaki pa iyan sa iskeleton ng bahay mo.
Kung sandali lang ito sa iyo, tumuloy sa pilosopiya. Tumikim ng Nietzsche habang nariyan pa ang iyong butihing kaibigan na mas maalam pa kay Nietzsche kesa kay Randy David. Oo, mas maraming bagay sa langit at lupa kesa sa napapanaginipan sa ganitong pilosopiya. Ngunit, may panahon para managinip. At kung wala ka pang langit o lupa, magpadala ka muna sa mga alon ng nagtutunggaling pilosopiya.
May oras ka pa ba bago maghugas ng pinggan o pantalon? O mag-igib kaya ng tubig? Magdilig ng halaman o ihanda ang huling hirit sa pangangampanya para sa kandidato? Pulutin ang isang maikling kwento ni Chekhov o Jose. Basahin nang masinsinan at baka sakaling may kwenta sa iyo. Malay mo. Baka mabago pa ang buhay mo.
Kung malamang sa hindi, okay lang, may almusal pa naman. At maya-maya, pumila at bumoto. Pero payong kaibigan lang ha? Unahin ang almusal bago ang indelible ink.