Hul 29, 2004

Mula sa ngiti mo, Srta Gomez

Mahusay ang mother-of-pearly-white ngiti mo, totoo, nakakaengganyo. Tila napakadaling lunirin ng mga paniniwala kapag sinabi mong hindi mo naiintindihan ang mga pinagsasabi ko. Ngayon, habang nakatutok pa rin sa maayong gaslaw ng mga labi mo, nararamdaman kong hindi mo binitawan ang gayong salita upang matutunan ang anumang binubuhat kong ideolohiya. Iyon ang husgang ipinarating mo para tuldukan ang aking talata, para pigilan akong pumalaot sa peligrosong ilog.
Magpapaiwan ka sa pampang kung magpupursigi ako, hindi ba?

Tuldok ang iyong ngiti - puti't rosas na tuldok.

Hindi mo ako naiintindihan sabi mo.

Tamang pula kapwa labi mo - hindi nagsusumigaw, hindi bumubulong.

Hindi ibig sabihing tanggap mo ang kahungkagang ibinibintang ko sa iyo.

Ayan, may mga biloy ka pa sa pisngi - malalalim ang dimples mo, parang marahang hinukay sa iyong malagatas na luwad.

Ibig sabihin, hindi dapat pagsayangan ng panahon ang anumang katotohanang minana ko mula sa paghihirap at pag-aaral ng mga nuno.

Masarap manahan sa mga labi't pisngi mo - kapag ngumingiti ka, namimilog ang mga pisngi mo, halos yakapin ang iyong naniningkit na mga mata.

Ibig sabihin, hindi mo ako iintindihin.

Punyetang prinsipyo nga, tama ka, okay ka, giggles-giggles ka pa, nakangiti ka na nga. Hay naku, bakit ikaw pa ngayon ang diretsong nakatindig, walang bali sa ritmo ang paglakad sa pampang?

Sige, Srta Paulita, salamat sa ngiti at sa humahapit na tamis ng iyong namamaalam na tinig at titig. Sisisid na lang ako palayo mula sa iyong malaperlas na ngipin.

Walang komento: