Hul 26, 2004

Unang Liham

Magandang umaga, Elias. Sana magaganda rin ang umaga ng ibang tao bukod sa akin. Ngunit malabo namang ipwersa ko sa kanila ang pakiramdam na ito. Kaya ako na lang, kahit sana sila rin.

Oo, masaya rin akong narito na si Angelo dela Cruz, isang matunog na pangalan na nakawing sa aking lalamunan at laman-loob. Buti ligtas na siya kahit alam ko ang singil nito sa bayan natin. Magandang malaman na may halaga pa rin ang isang buhay kahit na kailangan pang naihandusay ang indibidwal sa midya at gamiting simbolo ang kanyang pagkatao.

Katulad ng ginagawa ko ngayon, marahil, isa ring pananamantala sa isang inabusong pangalan. Syempre, modernista ang yabang ko ngayong umaga. Emansipasyon, emansipasyon, enlightenment na enlightenment ang dating. Maaaring mali ako at bukas sa lahat ng uri ng pagbabasag at dekonstruksyon mula sa iyo. Maaaring isang tinig rin lang na walang saysay sa pangkalahatang ingay ng daigdig. Ngunit hindi naman pwedeng manahimik palagi, laluna't pinupuno ng kasinungalingan ang katahimikan. Kaya, tulad ng kakarag-karag na dyip, mababasa sa aking balat at dila ang horror vacui.

Hindi lingid sa kaalaman ng mga kababayan natin na may ganansyang pulitikal ang pangulo sa kanyang salitang palayain si G dela Cruz. Mababasa sa lahat ng imahe sa midya at mga artikulo. Ayan, malaking ngiti ang dyosang tumatanggap ng pasasalamat. Nakakatuwa (maganda talaga ang araw), nakalimutan yata kung sinong napaka-'willing' na nagbukas ng pinto papuntang Iraq.

Mamaya, sigurado, gagamitin rin sa SONA ang pangalan ng manggagawa. Paano pa nga ba, nakasalalay ang ekonomiya sa mga migranteng trabahador. Tamang tanong nga ba ang 'paano pa nga ba'? Kailangan bang tanggapin ang lahat? Ramdam naman nating pare-pareho ang pulso na ibalik si G dela Cruz at ang iaba pang nasa tiyak na peligro. Alam naman ng lahat ang pakiramdam ng lahat. Sapat na ba iyon?

Mas mahalaga ang imahe at pangalan na nasa harap ngayon ng bayan. Ibabalandra ng mga makakanang kritiko ang katotohanang ipinahamak ng desisyong palayain si G dela Cruz ang lahat ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa. Sang-ayon ako rito. Ipinahayag mo na nga namang magagatasan ang kabang-bayan ng sinumang mangangahas na hawakan sa leeg ang isang Pilipino. Tapos, magbantang pupugutan ng ulo.

Ngunit argumento iyan ng epekto, isang sapantaha sa mangyayari sa hinaharap. Bakit sasabihing mas matimbang ito sa isa pang argumento ng epekto dati na huwag buong-buo at hubad na hubad na makiisa sa desisyong rogue ng Estados Unidos na sumalakay sa Iraq? At ngayong napatotoo na nga ang sandamakmak na I-told-you-so ng mga kritiko, e di naniwala na ang gubyerno na hindi pork may superpower na isa, isa lang may kapangyarihan? Ayan, kalat masyado ang kapangyarihan para buong-buong sumanib sa anumang diyos-diyosang dayuhan. Kapag isinanla mo ang iyong sarili, sarili mong dugo ang sisingilin sa iyo.

Ikinawing ko ang bituka ko kay G dela Cruz at inisip ko kung maituturing ba siyang bayani katulad ni Flor Contemplacion kung hindi siya namatay. Sa inyong palagay? Kung namatay kaya siya, makatotohanan bang tawagin siyang bayani?

Sa akin, ang tanong na mahalaga, makatwiran bang isabak sa labas ang mga mamamayan para sa kukurakutin rin namang mga dolyar at ipambabayad ang sukli ng mga matataas sa utang na hindi atin at hindi mababayaran hanggang magkamilagro o magunaw ang mundo at kapag nabuhay sila e di masaya pero kapag namatay gawin na lang nating bayani para may nagawa namang kataas-taasang kabutihan ang pamahalaan?

Halimbawang nalagay sa alanganin pero nabuhay, ituturing bang bayani? O gubyerno na lang, ang butihing ina ng bayan na tagaligtas?

Hindi naman ito bahagi ng umaga, di ba? Hindi naman natin desisyong ipadala si G dela Cruz. Ngunit sa pangalan natin ginagawa ang mga desisyong ito.

Pangalan lang naman.

Bakit mag-aalala pa tayo, Elias? Hindi naman tayo ang tutubos, puprotesta lang o manonood sa telebisyon kasi tapos na, nakaboto na.

Isyu lang naman.

Bakit pag-isipan pa natin? Hindi naman ulo ko ang nakasalang sa katayan, at milya-milya naman ang layo, hindi naman siguro aabot ang tilamsik dito, kaninumang ulo iyon.

Sa kapatid ko lang naman.

Bakit pa pagsasayangan ng laway? Tapos na, ligtas na, may bayani na mag-uusal ng kanyang State-of-the-Nation-Address.

Bayan lang naman. Pilipinas lang naman.

Maganda ang umaga. Elias?

Walang komento: