Okt 17, 2004

Sa S.Elves

Mga pare, magkita tayo. Ibang-iba na ba kayo, parang mga buhok ninyo? Ikaw, nagpahaba tapos undercut. Ikaw naman, ano yan? Rebond? Ano ba kayo, tumalon mula sa boob tube, sariwang reproduksyon ng wrestling at tsinobela?

Ambot. Ako heto, hindi ko na makuhang magsuklay. Bago ako umakyat, magkita tayo. Kung wala kayong malikhaing maisip na kainin, sige, walang kamatayang pizza. O bakit hindi yung bottomless na Mongolian at iced tea, yung parang nakakaisa tayo habang nakarami tayo pero kahiya-hiyang impatso lang naman ang inaabot natin sa 'pagpapalaya'. Kailangang umapaw ang serbesa, iinom man tayo o hindi, wala, paapawin lang. Mabantot ang bula ng alkohol, tamang-tama.

Nauumay ako sa lasa ng mga buhay. Banas na ako sa mga walang-pusong tao at tumitibok na salita. Nalalamigan ako sa mga umaga. Nandidiri ako sa mga gabi. Kaasar na ang buhay na cliche. Walang kwenta ang mga paprofound-effect na hindi naman marunong magpatiwakal. Manood na lang tayo ng asian horror flick, baka ma-enlighten na naman tayong mga pa-ilustrado ek.

Tapos na ang semestre ko sa loob ng ilang araw. Mag-usap tayo, magbarahan, walanghiyain natin ang ating mga sarili, wala akong paki. Magsalo tayo sa mura, dasal, o ingay. Pataasan ng ihi, palaliman ng sugat! Palakihan ng ulo o tiyan. Sapakan tayo. Kainan tayo. Ano ba? Inuman tayo! Libre nyo.