Sa Iyo, sa Lukutang Maliit
Magandang tanghali, binibini. Tanghali kasi rito ngayon sa Los Banos. Masarap ang tanghali diyan. Napagluto na ako ng iyong ina ng pinakuluang isda at kamatis.
May dala akong instant noodle at mineral water para hindi na ako lalabas hanggang di ko natatapos ang aking mga pinaglalamayang papel. Tiba-tiba na naman sa noodles, tubig, libreng crackers, plastik, at styro. Tumigil muna ako dito sa internetan para mamulot ng mga ligaw na datos. Wala naman akong ibang maisip kundi ikaw.
Nahihilo na ako sa kumikindat-kindat na cursor, sumisirko-sirkong pointer ng mouse, at nagkalat na papeles. Isinantabi ko muna ang mga ipinasa ng mga estudyante. Pero mas sigurado ko pang matatapos ko ang mga iyon sa takdang oras kaysa sarili kong mga sulatin. Mahirap rin. Kahapon nga, nilagnat ako. Sa totoo lang, hanggang ngayon. Naku, bakit ko pa ba sinusulat ito?
Alam mo, bukas, gusto ko matapos na ang semestre. Matagal ko nang pinapangarap ang pagkikita natin diyan sa inyo. Pagsasaluhan natin ang lilim! Dadalhan kita ng mga de-kulay na libro, prutas, at de-lata. May natira pa kaya sa mga nginunguya-nguya mong lapis? Balita naman ang pasalubong ko sa mga Itang mo. Uupo kami ni Manong, kuya mo, pagsasaluhan ang bilog at tubig, pag-uusapan ang progreso ng mga apila at pagkilos.
Marahil tama ang kanyang sinabi dati. Kahit ano'ng apila, mas totoo ang mga nagsasalungatang dokumento ng mga kumakain sa inyong bundok. Kahit ano ang gawin, mas kongreto ang pag-akyat ng mga traktora. Mas solido ang pwet ng armalite na natikman ng ama mo. Natutulog ka raw nuon. Natanggap ko ang pinapasabi ni Manong. Mas dapat daw katakutan kaysa sa bakal na kaha ang nilalamang apoy. Tumugon ako, katakutan pareho. Sinabi ko lang iyon kasi alam kong hindi sila susuko.
Kahit ano pa'ng sabihin ko. Sana nga wala na lang kami, puro satsat at de-lata.
Nuong tag-init, huling bisita ko, nag-usap kami ni Manong. Aniya, nagmamaneho na ng traktora ang ilan sa inyo, pinsan mo pa iyong isa. Minimina ang sariling lupa para sa magpapasahod na korporasyon. Korporasyon? Sahod? Saka ko na ipaliliwanag. Saka na rin ang armalite. Kapag natutunan mong basahin ito. Umpisahan muna natin sa mga de-kulay na libro. Unahin natin ang gaspang ng mga prutas. Alam mo bang para sa katulad mo kaya ako kumuha ng disi-otsong yunit ng edukasyon?
Alam mo bang malamang na maunahan ng mabigat na traktora ang panahong mabasa mo ito? Sakaling hindi, sakaling makuha mong magbasa lagpas sa mga A-E-I-O-U natin, magsalita lagpas sa saging, kawamasi, kamasis, at iba pang binibigkas mo, kung sakali kaya? Kung sakaling mabasa mo ito? Ano'ng masasabi mo tungkol rito? Tingnan mo, isinama kita sa mga liham ng pag-ibig, sa mga kubling angas, sa pag-ikot ng mga saglit at salita dito sa mayabong at mayabang na internet. Ano'ng magiging husga mo sa iyong bisitang guro na puro mababaw na kaligayahan at luha, panay laway at toma?
Sasabihin mo siguro, binastos ko ang inyong pinagdaanan. Mabuti. Sa oras na mabasa mo ito - aking munting hukom - at sa saglit na maintindihan mo, iisipin kong naging mabuti akong guro. Sana, maging sa puntong iyon, mapabulaanan mo ako. Madali naman kaming mapasinungalingan. Madali mong matatanto na ginagamit ko ang iyong walang kupas na hitsura sa aking gunita para magkaruon ng kabuluhan ang aking buhay.
Sa ngayon, ipiprint ko ito, isosobre kasama ng iba pang liham sa iyo. Ilalagay ko ang url at limandaang piso na malamang magiging halaga ng kalahating oras sa internet at pamasahe sa panahong makakabyahe ka na. Ngumiti ka sana kapag buhay pa ang liham na ito at patay na ang site, ang net, o ang may-akda. Pinatay ng styro at plastik.
Tatapusin ko ang mga papel ko. Isang tungkol sa kultura ng Los Banos, isa tungkol sa ASEAN Regional Forum on Security. Hindi ko na ilalakip ang mga iyon. Isusulat ko lang para makapagtapos, para mapromote, para makasakay sa mga traysikel na susuong papunta sa iyo. Iyan ang pinakamadumi at pinakamasarap na landas na matatahak ko sa lupang ito.
Pagtanda mo, parang awa mo na, huwag mo akong tawaging kaibigan.
Nais kitang makalaro muli. Sana, katulad nang dati, magaan ang loob mo sa akin at hindi ka iiyak. O baka naman masyado ka nang matanda para umiyak? Dalaga na ba ang munting binibini? Sana tanggapin ng mga magulang mo ang mga liham ko sa iyo. Sana huwag nilang buksan.
Sana maabutan ko pa kayo pag-akyat ko riyan bago mag-undas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento