Nang nadapa ka
Nang nadapa ka, binulol ako
ng pangalan mo at kalabog.
Nabura ang mukha mo sa likod
ng mababang tabing ng sementong
kahon at ugat ng piping narra.
Pasaiyo ang takbo, pasigaw,
hinanap-hanap ang iyong ulo.
Tuluyang natuyuan ng laway
nang makitang bugbog ang mata mo,
gasgas ang ilong at pisngi, pingas
ang labi. Agad kitang pinilit
itindig sa binti at palangit
ituwid ang ahas mong gulugod.
Kaso, hinatak ako ng pula
sa iyong ngiti, ngipin, at gilagid.
Matigas mong binulong ang pasya:
"Trip ko ang pwesto rito." Humimlay
ako katabi mo. Walang galamay,
tinenga ko ang sahig. Tahimik
ang daigdig sa paa ng narra.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento