Pwede bang umiyak na lang at hindi na magkwento? Ibinenta ko na ang kaluluwa ko hindi sa Domini kundi sa Diaboli para palagi na lang tinta o laway ang maaari kong iluha.
Pero ayoko ng tanong.
Ayoko rin ng running commentary. Ano, bibilangin ang luha, o ibibigay ang velocity paglampas nito sa baba? O sasabihin, iyong isa mo, medyo malapot-lapot, ano bang asin ang gamit mo run? Iodized? O caramelized tulad ng dilis sa Komeshi?
Ayoko ng nagpapatahan. Putsa, gusto ko ba ng nagpapaiyak sa panahon ng pagtahan? Ano'ng gagawin ko sa pagpapatahan sa panahon ng mga patak? Gusto ko lang umiyak. Kahit parang kuliglig na humuhuni sa lamig ng gabi. O palaka na kumokokak sa takipsilim bago mahuli nung bio student.
Ayoko ng halik, please lang.
Gusto lang kita iyakan. Hindi naman nakakamantsa ang mga luhang ito. Huwag mo lang ako pagkwentuhin. Kung hindi, susulatan kita mula ulo hanggang paa, sisimulan ko sa palad o utong o mata. At kung maubusan ng tinta, tatalsikan kita ng laway. Ano, trip?
Pwede bang umiyak ng walang kwento? Luha lamang, sana. At balikat.
Kung hindi, okay lang, babalikan ko ang pagnguya, mag-isa, sa kaluluwang lulunukin rin Niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento