Ayan na, pangalawang linggo na ng klase. May kaibigan akong nag-aral para sa lisensya niyang mag-doktor. Ngayong pumasa siya at nakabalik na sa kanyang praktis, napansin niyang hindi na siya kampante sa kanyang pakikihalubilo sa mga pasyente.
Ano kaya ang nagbago? Dahil kaya nakapagpahinga siya at nawala sa sirkulasyon sa pagitan ng pagiging intern noon at residente ngayon? Dahil kaya may lisensya na, may kaakibat na pananagutan ang anumang kilos, tama man o mali?
Ganito rin kaya sa pagiging guro? Oo, may panahon na hindi pa matantya ang sarili sa harap ng dati-rati'y pamilyar na lugar sa harap ng mga estudyante. Pagkabakasyon, may pangangapa sa tamang tono ng boses, tindig, "pakikipaglaro" sa mga estudyante (sang-ayon sa dinamiko ng "game" nina Wittgenstein at Gadamer). Ngunit may pagkakaiba kaya sa kontrata? Mas malaki ba ang social sanction sa isang instructor at professor, ng master at doktor? Bagamat mas tama kung ang analohiya ay sa pagitan ng nagpapraktikum at isang lisensyadong guro, ang tinutunton naman talaga ay ito: posible kaya ang intelektuwal na malpractice? Posible ito, maraming kaso. Ngunit posible bang masukat ito na may katulad na ramdam at dating ng malpratice sa katawan? Paano gayong utak at puso mismo ang hinuhubog sa pagiging guro? Ang panukat mismo ay nakasalang sa maraming tanong (at tanong tungkol sa mga tanong).
Kailangan kong mapatunayan sa sarili ko na may sukat at may pananagutan. Kung hindi man mula sa sistema o doktrina, mula sa sarili.
Isa pa. Kakakasal lamang ni Kabesang Tales noong Sabado, kasama ko siya sa palihan sa Bacolod. Kasama ko sina Vladimeiri, Jason, at Ava. Hindi ko nagustuhan ang pagdadala ng pari. Iba't iba ang sensibilidad naming apat, radikal at konserbatibo sa magkakaibang aspeto, ngunit nagkasundo kami: hindi maayos ang pagdadala ng pari sa araw na hindi kanya. Sarili niya ang ibinabalandra, pangit ang satsat sa altar, puro cliche ang payo, at kahit ang halik ng aking kaibigan, binilangan (isa, dalawa, dalawa't kalahati...). Espiritwal na malpractice?
Huli. Paano naman pagkakaiba ng "praktis" sa pagitan ng kasintahan at mag-asawa? Sa pagitan ng mga sumpaang pabulong at lagdaang pampubliko? At kung magkamali, sino at ano ang sukatan? Hanggang saan ang tamang antas ng sakit, pagtitiyaga, pagkamanhid, at tapang? Marital na malpractice?
Hanggang ngayon, interesante pa rin sa akin ang mga relasyong ito, doktor-pasyente, guro-estudyante, pari/pastor-parokyano, at magkasintahan/mag-asawa. Malamang sa hindi, wala sa loob ng buhay ko ang pagtunaw sa mga ugnayang ito. Magkakaroon ng pagbabago, sigurado, ngunit hindi ko na siguro maabutan ang substansyal na pagbawas sa pagkasolido ng mga institusyonal na relasyong ito. Ano kaya ang hitsura ng daigdig na wala ang mga ugnayang ito? Kapag hindi na kailangan ang doktor, guro, pari, at asawa, kumusta kaya? Kapag lahat, pagkaluwal na pagkaluwal pa lang, dalubhasang doktor, guro, pari, at asawa ng lahat, kumusta kaya?
Napapaloob pa rin ako sa panahon ng pirma, ng toka-tokang praktis at relasyon. Gusto kong ukitin mulaa sa mukha ng daigdig ang munting "trabaho" ng pagtatanong at imahinasyon. Saan ako pipirma upang managinip?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento