Peb 17, 2007

Confetti

Nanaginip ako ng sanlaksang bata. Takbo sila nang takbo kahit matindi ang buhos ng confetti(2). Delikado ang hangin at natakot ako na mapigtas at manghagupit ang mga banderitas(3). Tawa lang nang tawa ang mga bata. Sa ikalawang panaginip(5), may isang magulang na baboy(7) sa kural at may halong confetti(8) ang putik. Nasa loob ng kural ang ilang bata. Sinuotan nila ng sinturon(10) ang baboy. May isang batang babaeng nakaunipormeng St. Joseph’s(12). Dumapa siya sa lupa na madamo na at isa nang football field. Marumi ang field, maraming kalat na plastik na baso at paper plate (15).

Mga sipi:
2—Maaaring piyesta dahil sabay-sabay ang mga school fair pati ang alaala ng mga fair.
3—Wala akong maalala ni isang kulay ng banderitas.
5—O sumunod na eksena nitong tinatalakay na panaginip. Depende sa dami ng REM stage, maaaring may apat hanggang limang panaginip ang tao sa isang regular na tulog. May mga taong tumututok sa kanilang panaginip na kayang paghiwahiwalayin ang mga ito. Ang iba, napagsusunod-sunod pa.
7—Higit sa interpretasyon, mas mahalaga para sa akin ang mga pinagkuhanang eksena o teksto ng panaginip. Maraming maaaring pagkuhanan ng baboy. Maaaring ang matagal ko nang namalas na paggilit at pagkatay ng baboy. O ang trak ng mga baboy sa SLEX. O ang Valentine sisig. Puwedeng ang lektyur ko hinggil sa “Babycakes” ni Gaiman ang nakaimpluwensya. O ang tulang “El otro tigre” ni Borges. Puwede rin na noong pinaglaruan ni Nicolas Cage ang kanyang ilong sa pelikulang “Ghost Rider,” ang pumasok talaga sa isip ko ay ‘baboy’ sa halip na ‘bungo’. Pero ang una kong naisip pagkagising ay baka dahil Year of the Fire Pig ngayon. Ikalawa, baka dahil sa muling pagtalakay ng pork barrel. Maaaring wala ni isa sa mga ito. O lahat, pinagsama-sama. (Habang nagtitipa, tumugtog ang Radioactive Sago Project sa isip ko. Ngunit malamang naisip ko lamang iyon dahil sa ginagawa kong pagsasaayos ng tema. Malayo man, baka may naimpluwensya rin.)
8—Hindi ko matanggal sa isip ko ang bird flu habang kinokonsidera ang imahe ng confetti. Hindi ko naman naisip o naramdaman ang anumang pahiwatig ng sakit o ibon habang nananaginip.
10—Itim ang sinturon. Tiyak ako pagkagising ko. Nang isipin ko kung tiyak ako habang nananaginip, hindi ko maalala. Kaya ngayong nagtitipa na, hindi na ako sigurado. (Sa katunayan, nang maisip ko ang pork barrel, dumami ang bilang ng sinturon, naging tatlo. Hindi na rin ako sigurado kung ilang sinturon ang isinuot sa baboy. Ang alam ko lang, suot ito ng bata na hinila mula sa shorts bago isinuot sa baboy.)
12—Hindi ko maintindihan ang imaheng ito. Bagamat nakita ko noong elementarya ang unipormeng St. Joseph’s, hindi ko na maalala ang eksaktong hitsura.
15— Walang katiyakan kung may confetti pa sa hinihigaan ng bata. Wala akong maalala kahit isang kulay ng confetti. Hindi ko maalala ang hitsura ng isang partikular na confetti. Papel ba iyon o plastik o yero?

Walang komento: