ni Wisława Szymborska
aking salin
Naging lubos na magalang tayo sa isa’t isa;
sabi natin, mabuti’t nagkita tayo, ilang taon na rin.
Uminom ang ating mga tigre ng gatas.
Naglakad ang ating mga lawin sa lupa.
Nangagsilunod na ang lahat ng ating mga pating.
Naghikab ang mga lobo natin sa labas ng bukas na kulungan.
Hinubad na ng ating mga ahas ang kanilang kidlat,
ng mga bakulaw ang kanilang mga guniguni,
ng mga paboreal ang kanilang mga plumahe.
Matagal nang nilayasan ng mga paniki ang ating buhok.
Nanahimik tayo sa gitna ng mga pangungusap,
wala nang sasaklolo sa ating mga ngiti.
Ang ating mga tao,
hindi na alam kung paano makipag-usap.