Okt 29, 2012

noong araw

ni Gerrit Kouwenaar
aking salin


Noong araw na naroon ako tumigil ang orasan sa alas siete
ang mga kapit-bahay ay nag-uusap tungkol sa kapayapaan
ang aking ama'y nasa labas at nag-uulat tungkol sa apoy
ang aking ina'y masaya dahil may anak siyang lalake

ang mga tito'y naghain ng kakanin habang nakahilata ako't nakakandado
ang mundo'y agad na sumagot sa tulong ng mga tanghalang pang-isports
mga kotseng puno ng tagasuporta ang nagsidagsaan sa kahapunan
ang mga tita'y walang-ingay na naglakad tangan ang tubig na kumukulo

ang nagbibisikletang tagahatid ng dyaryo'y bumati sa doktor
ang mga mata ng lungsod ay sabik na sabik sa araw ng dapit-hapon
sapagkat naroon ako sa isang palanggana ng aspalto
sapagkat naroon ako noong tumugtog ang organ nang mahina sa malayo

kinagabihan noon umuwi ang aking amang nangangamoy-apoy ang dyaket
suot niya ang mga botang goma habang panhik-panaog sa hagdan
nagsigarilyo siya sa balkonahe
ininom niya ang isang basong alak at inakalang kaya kong lumutang.