May 2, 2013

Mayo Uno

Kay Amang Jose ba itong araw
O sa banal na Santa Walpurga?

Sa obrero, o sa mangkukulam?
May kinalaman rito ang uri
Ng indayog, ang hugis ng usal,

Ang pamumugad sa mga binti
Ng hilot. Saan ba ilalagak
Ang turnilyo: kung mananatili

Sa besagra, o magiging sangkap—
Kaninong sopas ito? At ano
Ang timpla? Ngayong uhaw sa patak,

O patikim, sa iyong delubyo.

*

Sinimulan ko itong tula, kamakailan, at agad inabot kay Tilde pagkatapos. Kakagaling lamang namin sa isang kolaborasyon, mainit-init pa kumbaga, at naisip ko na baka mapakinabangan namin ang isang tulang nag-uugat sa kasaysayan ng pagkakaroon ng saysay ng petsang a-uno ng Mayo, at pinauusbong ng kasalukuyang paghahanap pa rin ng kabuluhan. Maaaring mauwi uli kami sa isang kolaborasyon, naisip ko, pero solb na rin kung maging okasyon lamang ang nasabing tula para sa kaunting e-kwentuhan. Sa kabutihang palad, nakabuo si Tilde ng isang likhang lumilihis sa kanyang pangkaraniwang estilo.


Sinundan pa niya ito ng anotasyon. Ang mga tala niyang ito ang dahilan kumbakit naengganyo rin akong magsulat ng karagdagan hinggil sa aming proyekto. (At dahil  hindi tuwirang mapag-uusapan sa ibaba, tutukuyin ko lamang bilang paborito ang ikalawang panel sa ikalawang hanay: ang lyabe.)

*



Naaalala ko pa noong unang nakita ang isang set ng tatlong retablo sa Silang, Cavite. Pinag-iisipan ko ito, ngayon, habang isinasaalang-alang itong dibuho ni Tilde. Pinag-aralan ko ang mga retablong iyon, ginawan ng papel, at ipinasa kay Prop. Quibuyen. Bagamat tinalakay ko rin ang gitnang retablo (yung nasa likod mismo ng altar), mas nagpokus ako sa magkabilang retablo: kaliwa at kanan.

(Matagal na iyon, halos mag-iisang dekada na. Kaya heto, kinailangang manghiram ng mga larawan sa mga mabubuting-loob na naglalagak ng litrato sa internet. Kaya bago ang lahat, salamat kay virtualtourist para sa unang larawan at kay cmillares3 para sa ikalawa at ikatlong litrato.)

Pawang mga lalaki ang matatagpuan sa kaliwang retablo (mula sa puntodebista ng altar, kanan kung titig ng parokyano ang pagbabatayan), mga pari at obispong naging santo. Itim ang kanilang mga sotana. Si Hesus lamang ang hindi nakaitim. Nasa gitna siya ng pinakamababang antas. Madasalin ang mga pigura rito, nakikipag-usap sa mga ibon o kerubin ang ilan sa kanila. 

Pangkaraniwan para sa akin ang retablong ito. Sana makita ko ang kopya nung luma kong papel, kasama ang mga nakuha kong litrato noon, para maalala kung may iba pa akong namarkahang kapansin-pansin sa retablong ito.

Ang pinag-isipan nang husto rito ay "bakit nasa kaliwa ng pari (ang Hesus sa altar) itong retablong lalaki?"

"Retablong lalaki" ang kaliwa, sabi ko, sapagkat dominante naman ang babae sa kanang retablo. At sa kasalukuyang kaayusan, naroon ang Birheng Ina sa "kanang kamay" ng altar. Marahil hindi ito masasabing "retablong babae" kung dadaanin natin sa bilang. Marami pa ring lalaki sa larawang ito.

Maaari ring basahing nagkakaroon ng kahulugan ang retablo mula sa kaugnayan ng babae sa lalaki, sapagkat sa pinakatuktok ay matatagpuan ang Ina sa Paanan ng Kristo. Sa gitna naman ng pinakamababang antas, matatagpuan ang batang Hesus bilang Kerubin o Kupido na tangan ng kanyang Ina (kasama si San Jose sa panel, at ang ilang mukha ng kerubin). Interesante ang bahaging ito dahil pinapana ng Hesu-Kupido ang isang madre. At bumaon siyempre ang palaso sa puso ng pinagpalang babae.

May gumagabay (o nag-uudyok) kay Hesus sa naturang paninilo. Hindi ko na maalala kung si San Jose o ang Birheng Maria mismo ang dumuro sa puso ng santa para iklaro (o iwasto) kung sino (o anong bahagi nitong sino) ang karapat-dapat madapuan ng banal na asinta ng Kristo.

Paborito ko rin ang katabing panel, nasa kanan ng Hesu-Kupido, kaliwa sa puntodebista ng tumutunghay. Palabas ang karahasan nito. Wala sa "retablong lalaki" ang maitatapat sa karangyaan at kulay nitong pigura. Nakatuon ang reyna sa isang espada na tumatagos sa mukha ng isang patay na hari.

Sa kasawiang palad, tanging puluhan na lamang ang makikita natin dito at wala na ang talim mismo nitong espada. Totoong bakal kaya ang ginamit para sa talim? Makikita pa ang marka kung saan dapat nahahati ng espada ang mukha.

Kanang kamay na naman ang marahas. Ngunit nakatuon: nagpapahinga? Nasa kaliwa ang gulong at ang palaspas. Mga simbolo ba ang mga ito ng muling pagbuo? O ng mga nakalas, nasawi sa nakaraang kabuuan? Gulong ito ng karwahe, at kapansin-pansin ang mga tilos na umuusbong mula sa mga rayos ng gulong.

Kapansin-pansin din ang halaman (katabi ng kalis) na umuusbong mula sa pinangyarihan nitong digma.

*

Bagamat nagsaliksik ako nang husto para mabuo ang tula hinggil sa kasaysayan ng a-uno ng Mayo (Faust, kheer aur shakkar, mayday! mayday!, Ephemeroptera, at Mabuting Ina ng Mais), hindi sumagi sa aking isipan (o siguro mas tama: hindi ko namalayang sumagi sa aking isipan) ang mga retablo ng Silang, Cavite. Ngayon ko lang ito naaalala gawa ng dibuho ni Tilde. At marahil ng iba pang mga bagay, mga anik-anik, mga lihim na kasangkapan.

Walang komento: