ni Kate Daniels
aking salin
Wala akong pinagsisisihan.
Ang mga pagmamalabis, mga pagtataksil
sa mga iba na dati'y inakala kong
aking minahal. Lahat ng mga hindi naisabuhay
na taon, mga hindi naisulat
na tula, mga nasayang na gabi
na iginugol sa paghagulgol at pag-inom.
Wala, wala akong pinagsisisihan
dahil ang anumang aking isinabuhay
ay nagdala sa akin dito, sa silid na ito
na kamangha-mangha ang kayamanan,
at payak ang kasaganahan—
itong tatlong makikinang na ulo
sa ilalim ng lamparang Hapon, nagpapagod
sa mga krayola at papel.
Itong tatlong nagmamahal sa akin
nang husto bilang ako, mismo sa kalagitnaan
ng aking pagkataong mali ang pagkakayari.
Mga sabik na tumatayo tuwing ako'y papasok,
at humahagulgol sa sahig tuwing ako'y aalis.
Mga mata na aking mga mata.
Buhok, na aking buhok.
Mga katawan na binabalutan ko
ng mga halik at mga kumot.
Na ang unang agahan ay akin mismong katawan.
Na ang huli, Diyos ko, nawa'y hindi na ako buhay
upang maihain, upang makisalo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento