Hun 19, 2013

a Diecinueve

aking tula
dibuho ni tilde


Siyang muli na namang ipanganganak
kung saang gilid ng kama ang mas ligtas.

Bago pa rin ang Bagumbayan maging sa bingit
ng kawalan ng malay-tao ng mga apo

ng ating mga apo. Iiyakan ang pabo;
susubaybay kung sa wakas mahahanap ng

pinaanod na tsinelas ang nabigong kapareha.
Sa dami na ba naman ng ating mga gabi

paano aawat sa pagbilang ng mga nadakip
bago pa natin mamalayan? Saan man magtanim




ng paa: tumiim na ang asin sa lupa.
Siya yaong sanggol na kahit paulit-ulit

itihaya, dadapa at dadapa. Akala mo
kung anong tampo sa gasera, parating tulog

at walang ano mang pagmamadali sa buhay.
At kung anong pag-ire natin sa isang iyan. Siya

na kung ano man ang ating isisigaw. Sa hirap,
halos lumuwa raw ang mata ng nagdadalang ina,

dumaloy, nagkatawang-balakang ang sipat.
Biyayaan natin ng isang palasak na pangalan.


Walang komento: