Bukas na natin ipagpatuloy ang paglanta.
Nais na tayong ilakip sa papel, ipadala
sa malalayong kaanak nang doo'y ilublob
sa mainit na tubig. Sandali . . . bukas na natin
pakinggan ang himig ng ibon at tanggapin
ang hatol ng bayan. Malamig, madulas
ang madaling araw sa balat. Hanggang kailan
pipirmis ang gulong sa ating bubungan?
Kung maghahawakan tayo, pantay ba ang linis
ng iyong guhit sa aking guhit? Nagtanong ako
minsan: Basag na boses pero panalong awit o
buong tinig nga, buo rin namang nagpadausdos
sa ingay ang iyong nais iuwi sa magulang?
"Itago mo ako, ang aking puso sa magkabilang
bulong." Nang biglang nag-usisa ang mga katok.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento