Ago 17, 2014

Bb Buwan ng Wika

—je t'offrirai des perles de pluie venues de pays où il ne pleut pas


Munting bahaghari, pumarine ka.
Ikaw ang usap-usapan, na mas mapintog
ang iyong pisngi sa pisngi ng anghel ng kasaysayan,

at kung malalalaos man ay ikaw yung tipong masayahin,
may sariling bisnes, hindi basta
niloko ng manedyer tas namasukang labandera

tas itinanghal ang talambuhay sa tele
sa huwad na anyo ng isang liham. Hindi masamang maglaba,
o hirang,

o makulay na bula ng maraming bata.
Huwag tayong papayag na ikaw pa ang lalapit.
Magtira ka naman ng kahihiyan sa mga magulang mo

dahil hindi ka pinag-aral upang magpapisil
sa kung sinong poncio pilatong matatas bumigkas. Teka
may anino ka pala . . . ipakilala mo naman.