ni Mark Strand
aking salin
Dambuhalang manika ang aking katawan
at ayaw na nitong umangat.
Laruan ako ng mga babae.
Iniupo ako ng aking nanay
para sa kanyang mga kaibigan.
"Magsalita ka, magsalita ka," pagsusumamo niya.
Pinakilos ko ang aking bibig
ngunit hindi dumatal ang mga salita.
Ibinaba ako ng aking asawa mula sa estante.
Nakahiga ako sa kanyang mga bisig "Iniinda natin
ang karamdaman ng sarili," bulong niya.
At nakahiga ako roon, nakatameme.
Ngayon naman ang aking anak
ang nagsusubo sa akin ng dedeng plastik
at puno ng tubig.
"Ikaw ang totoong baby ko," sabi niya.
Kawawang bata!
Tumingin ako sa mga kulay-lupang
salamin ng kanyang mga mata
at nakita ang aking sarili,
lumiliit, lumulubog
sa kailalimang ni hindi niya alam na naroon.
Wala nang hininga,
hindi na ako muling lulutang.
Lumalaki ako tungo sa aking kamatayan.
Maliit ang aking buhay
at paliit nang paliit. Luntian ang daigdig.
Ganap ang kawalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento