ni Russell Edson
aking salin
Tinambangan ng lalaki ang isang bato. Nahuli ito. Ginawa itong bilanggo. Inilagay ito sa madilim na silid at habang-buhay itong binantayan.
Tinanong siya ng kanyang ina kung bakit.
Sabi niya, dahil bihag ko ito, dahil ito ang nadakip.
Masdan mo, tulog ang bato, sabi ng ina, hindi nito nalalaman kung nasa hardin ito o kung hindi. Ang kawalang-hanggan at ang bato ay ina at ang iha nito; ikaw ang tumatanda. Natutulog lamang ang bato.
Subalit nahuli ko ito, inay, sa akin ito dahil ako ang manlulupig, sabi niya.
Walang nagmamay-ari sa bato, maging ang sarili pa nito. Ikaw ang nasakop; ikaw ang tumitingin sa bilanggo, na ikaw rin lamang, sapagkat natatakot kang lumabas, sabi ng ina.
Oo oo, takot ako, dahil kailanma’y hindi mo ako minahal, sabi niya.
Na pawang katotohanan, sapagkat kung ano ka man sa akin ay lagi’t laging katulad ng kung ano ang bato sa iyo, sabi ng ina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento