Bukod sa natalakay tungkol sa unang mga bahagi ng tula, tandaan din natin na bumaba ang sipat ng persona mula sa araw tungo sa kanyang mga paa. Langit, lupa. Papansinin ang pagtutok ng titig sa siping ito. Nasa ikatlong saknong na tayo—
Napag-iwanan na ako
sa paglalakad
ng asawa ko’t mga anak.
Ating pahalagahan ang pagpili ng salitang "Napag-iwanan". Maaaring simple itong pagpapahaba ng "naiiwanan". Maaari ring may ihinabilin na kung ano. Kadalasang tumutuloy ang linyang ganito sa "Napag-iwanan na ako ng panahon". Ngunit buong mag-anak ng persona ang nauuna (o tila mas tama: umuna na). May lakad pa sila, ibang lugar, ibang antas ng pagkatao, bagong moralidad. Baligtad naman kung ayon sa pagkakalatag ng mga salita. Nauuna ang ako at sa ikatlong linya pa lamang "makakahabol" ang asawa at mga anak (at ang "ko't" na tila nagpupumilit ipagsiksikan ang sarili sa pagitan).
Sa salaysay ng asawa ni Lot, maituturing na ekstensyon ang titig ng saloobin, ng lunggati. Gagamitin ito upang ipuwesto ang sarili sa unahan. Siya ring magiging paraan ng pagpapahuli, ng pagpirmi. Nagkataon namang itong-ito rin ang ginagamit ng mambabasa para sa ganitong mga uri ng tula, isang titig na umuusad linya por linya habang nagbabaliktanaw sa sinaunang panitikan, sa sermon ng pari o aral ng pastor. Ano nga ba ang nangyari sa asawa ni Lot? Hindi ba 'yun yung naging asin? At sa pamamagitan ng tula'y binabalikan natin ang isang panunumbalik. Ngunit bago ang lahat (o dahil sa lahat ng ito), tila babasahin ng "napag-iwanan" ang asawa—
Pinagmasdan ko ang nakahukot
na likod ni Lot,
ang kulubot niyang mga kamay
na nakaasa sa tungkod.
Matanda na rin si Lot, maaaring mas matanda pa sa kanyang asawa, ngunit siya ang sentral at nangunguna. Dahil sa patriyarkiya? Dahil siya ang kausap ng mga anghel? Sa tula, maaaring dahil si Lot ang may "katuwang"—at hindi ito ang kanyang asawa. Hindi katabi o kausap ang asawa kundi isang "pinag-iiwanan" ng hubog ng likod. Bubuuin ang larawang ito ng mga anak na babae—
Pinagmasdan ko sa kanyang tabi
ang dalawa naming birhen:
ang katawan nilang hugis upo
at ang buhok nilang sumasayaw
sa hanging tinutuyo
ng apoy at asupre.
Pagkatapos ng prusisyon ng mga tuyong bagay (buhangin, asin, kulubot) biglang sasayaw ang presensiya ng "sariwa", ngunit saglit lang ito, tatlong linya kung saan naghugis-upo—tubig sa gitna ng disyerto! malikmata!—ang mga anak ng inang magiging (o nagiging) asin. Tila lalaki lamang ang nananatiling tao sa kaayusang ito, pinaghahainan sa halip na inihahahain.
Tumingin ako sa malayo.
Marahil hindi ito katanggap-tanggap sa persona. Mula sa tuyo, tutuloy ang mga linya sa init mismo, ang pinagmumulan ng init na hindi maaaring titigan. Kung ayaw ng tao ang nakikita sa kanyang harapan at kung iniiwasan din niyang lumingon pabalik, kakailanganin ang lalo pang pag-usad ng titig. Lalaktaw ito sa panahon—
Nang masilayan ko roon ang bundok
na binabalak tuluyan
mamayang gabi,
Kaninong balak? Sa Genesis 19: 17-22, nabuo ang planong ito habang nakikipagtawaran si Lot kay Yahweh hinggil sa layo ng kanyang kailangang lakarin para takasan ang makasalanang lungsod. Samakatuwid, negosasyon ito ng langit at lupa. Sa isang banda, maaaring sabihing etsa puwera sa planong ito ang asawa ni Lot. Maaari ring isiping bahagi mismo nitong plano ang pag-eetsa puwera. Bahagi ang asawa ni Lot ng nakalipas (at pinalilipas) na mga lungsod.
Ano mang kalabasan ng usapan ng Diyos at tao, hindi siya kabilang sa mga napiling magpatuloy. Dahil hindi na siya para magpatuloy pa sa pagbagtas ng espasyo (umpisa pa lang ay markado na ng asin ang kanyang mga paa), sinisikap niyang ipagpatuloy ang pag-iral sa pamamagitan ng sipat.
Ganito rin yata ang ginagawa ng mambabasa. Narito ang mga huling saknong na tatalakayin sa ikatlong anotasyon—
aking natanto:
sa dilim ng kuweba,
lalanguin nila ang kanilang ama
at tatabihan.
Saka ako lumingon sa tahanang iniwan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento