Mataas na ang araw
nang pumasok kami sa Zoar.
Biniyak na pangungusap upang maging pamagat at unang saknong. Alingawngaw ito ng Genesis 19: 23, "Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar." Nasa unang panauhan ang bersyon ng tula, at sa halip na si Lot ang sinusundan ng naratibo, malalaman natin sa unang linya ng ikalawang taludturan na nasa asawa niya ang ating tutok—
at alikabok
sa aking mga paa.
Maliban sa lipat ng pokus, senyal din ito ng kakaibang atensyon sa oras at panahon. Kung mababasa sa pamagat ang pagiging huli (minamadali si Lot ng mga anghel) o napapanahon (nakasulat na ito), nasa saknong na ito naman ang pagiging abante (may asin na!) ngunit huli na ang lahat (alikabok). At dahil naglalakad, nagmamasid, at nag-iisip pa ang asawa ni Lot, mukhang hindi pa siya nagiging haligi ng asin. Baka naman hindi pa siya ganap na nagiging haligi ng asin. Maaaring tinatapatan nitong paglapat ng foreshadowing ng tula ang pagtakda ng tadhana sa asawa ni Lot, sa sambahayan, sa daigdig na ito ng mga babae't lalaki. Kahalo ng "mga butil ng asin" ang "alikabok," ang espesyal na kahihinatnan ng persona at ang karaniwang katapusan ng mga tao.
Pinaalala rin ng mga salitang "Kuminang", "asin", at "alikabok" ang Genesis 22:17 kung saan ipinangako kay Abraham (tiyuhin ni Lot) ang paglaganap ng kanyang lahi, "magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat." Tila anino ng maluwalhating pangakong ito ang kapalaran ng persona.
Samantala, itatabi natin para sa susunod na anotasyon itong ikatlong saknong—
Napag-iwanan na ako
sa paglalakad
ng asawa ko’t mga anak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento