Hul 3, 2016

Clae

Tiyak ilang beses mo pang maririnig kung paano’t napakabuting tao ng tatay mo. Hindi siya namimili. Idol ko pala siya at ngayon ko lang nalaman. Sana sapat na ang naiwang video riyan kasi magaling siyang kausap. Kung ano siya ay ganoon ka rin kaya paka-ingatan mo ang dugo mo. ‘Yung paraan niya ng pagsasalita, ‘yung tinig kapag may nakita siyang maganda o masarap, sa buhay o sa kabilang kanto o sa Divi, pagtawid na pagtawid mo, panalo ang sabaw dun, sir! Siya pa ang maghahanap ng kung ano ang maitutulong sa iyo. Ano man ang maaaring kumustahin, kukumustahin. Ano man ‘yung gusto niyang matikman mo sana, utoy. Kung mangyari lang na ang mga taong darating sa buhay mo’y kalahati ng kung ano ang tatay mo. Lagpas kalahating oras din kami online, tinutumbok ang pinakamainam na daan tungo sa St. Alphonsus. Kuya, okey na, kakayanin ko na ‘yan. Hindi sige, sir, para ‘pag nagawi ako d’yan, alam ko na rin. Dahil kahit ‘yun lang ay napakasuwerte mo nang bata. Matuto ka sanang magdasal, pero ‘yung tipong taimtim at nag-uumapaw na pasasalamat. Kahit kaila’y walang hiniling, kahit sana nga’y nakuhang humiling, kahit kaunti, kahit kailan. Kailanma’y hindi namili. Na parang nahuhugis na ng pasasalamat ang iyong hininga, at bakit ayaw mong tumigil. Basta ho, grabe, thank you. Hindi ko man matukoy kung bakit. Utoy, salamat sa ipinahiram ninyo sa amin.

Walang komento: