Ipinapakita ang mga post na may etiketa na days. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na days. Ipakita ang lahat ng mga post

Set 12, 2025

Signing The Second Law




Bukas na rin, Setyembre 13, ang pirmahang ito. Nais sanang mag-annotate nang bongga tungkol dito sa hinaharap. Nga lang, mukhang bibilis ang takbo ng oras/panahon sa mga susunod na araw. Tumungo sana sa ikabubuti natin ang Setyembreng ito.
 

Team Pasalubong

Three exhibits, and I'm in Team Pasalubong where "six artists reimagine the Filipino tradition of homecoming gifts, offering prints, textiles, and mixed media as tokens of return and recollection of time."

Orange Project and ILCP Art Space
September 13, 3 PM ♡

#OrangeProject #ArtDistrict #ArtPh #contemporaryart #artworkph #artistsph #visualartsph #visayanart #artdistrictbcd #printmaking #linocutprints #ILCP #Bacolod #Negros

Ago 17, 2025

Covers

Maybe this is what pulls me back to Baguio. I wish I could be sure about these things. At wala na si Polin. Sa unang pagkakataon. Kung sakali.

The Diliman trip, that's nearly certain: Monday? For this occasion.


Then Bacolod on September for the exhibit. Word for that should be out soon... and it's another return. Posible rin namang hindi na lang talaga gumalaw. 



Hun 23, 2025

Normal ang mga baldado at ulila

—Sapat sana ang dala ng mga trak para sa apat na buwan ng pagkain, tubig, at gamot. Trak-trak, ilang milya lamang ang layo, at handa pang mas ilapit sa mga gutom at may sakit! Sa halip, pinalalakad ang mga namatayan ng ilang oras tungo sa mga siksikang pila upang kuyugin ng mga tangke. 
—At tataas ang ating krudo. May bago ka bang sasabihin? 
—Araw-araw tayong pinaniniwala sa kasamaan ng tao. 
—May nagbago ba sa iyo? 
—Dati na bang presinto ang asul na tala? 
—Kung apektado ang bilihin, e di lalong kakayod. So bakit aksaya ka sa oras? 
—Paano kung ito talaga tayo? Bigyan mo ng baril, babarilin ang aso. Bigyan mo ng bomba… 
—Subukan mo kayang huwag mandamay. 
—Na ito tayo. Manalig ka, ito talaga tayo. 
—Kung may mapapainom lang sana sa iyo. Cobra o pills. 
—Pinagpala siya, ang hindi nakikiupo sa sofa ng mga pahamak. 
—Kung ramdam mo lang ang pamimigat ng iyong mga hita sa mga biyaya… 
—Kay linis na puti, anim na tilos na kay bubughaw. 
 —Hindi ka lang tinitiis dito ha? Minamahal ka. Tatak ang mukha mo sa unan namin. 
—Kakulay ng payapang langit ang sagisag ng alambreng tinik. 
—Maging magiliw ka naman! Nadadownload ‘yan. Matutong magpasalamat. 
—Ang sigaw sa batang mabagal kumain, “hoy, sa Gaza nagugutom ang mga tao.” 
—Sa Gaza, patibong sa bata ang de lata. Granadang easy open can ang Diyos. 
—Handang-handang ilapit sa gutom, uhaw, at may kapansanan.

Hun 22, 2025

Fifteen Trillion Pesos

Since 1972, Martial Law has been a sweet choice for top families and it’s no surprise why. We’re all about three things: grand parties, blood-free memories, and the bottom line! FM’s dream was to create a country where his elite could enjoy world-class catering, jewelry, art, and a simple pair of shoes every now and then. Today, the name’s still serving up good vibes.

We’re not stuck in the past though, we’ve evolved while staying true to our roots! BBM believes in timeless joys with family like attending concerts, watching F1 grand prix, and plunging the Philippines in greater and greater depths of indebtedness.

No, we’re not just about nostalgia, we’re all about enriching 2025 with each other. The future looks bright, brimming with excitement, and deeply hungry for fun, 20-peso rice, and the promise of this 274-billion-dollar experience! Brace yourself for interesting times and ecstatic memories right here in the Philippines!

Payload

We have completed our very successful attack on the Aid Distribution sites in Gaza, including Tel al-Sultan, Khan Younis, Wadi Gaza, and Morag Area. Our forces are firing on crowds, near Gaza Humanitarian Foundation areas. Example, we fired WARNING SHOTS on the primary hub, Tel al-Sultan, reducing need for aid. Tanks are safely on their way home. Congratulations to the elderly, disabled, and Northern Gaza residents. There is not another foundation in the World as humanitarian as this. NOW IS THE TIME FOR THE MOST VULNERABLE GROUPS! Thank you for biometric checks and militarized zones.

Canis Lupus Fidelis

Iyan ang pamagat ng blog mo noong college pa tayo at bago pa ang mga blogs. Noong tumanda ka nang kaunti, nagka-lupus ang kaibigan nating kagaya mong nag-Palanca (sanaysay ka, kuwentong pambata siya). Ilang taon lamang at mababawian siya ng buhay. Maya-maya, nanay mo naman at lupus din. Hindi natin inakalang mauuna ka pa at ang kanser mo. Hindi ko alam kung uso sa iyo ang langit pero alam ko okay lang naman kapag wala na at kausap pa rin. Ginulat ka ba at may langit nga? May wifi ba at nakita mo ang pa-Happy Birthday in Heaven ng nanay mo na Optimus Prime ang tema at may caption na to my knight, my protector? Nagbago na ba ang ugali ng tatay mo? Nakalis na kaya ang lahat ng collectibles mo na sinimulan mong ibenta noong pandemya at tinamaan ng lintik ang iyong trabaho? E si... kinasal na kaya sa iba? Nag-step-up ba ang mga kapatid mo at kailangan pa rin ba ng proteksyon ng nanay mo? Nabalikan mo ba ang iconic na hairstyle mo noong college pa tayo, ang buffalo horns? Puwede ka pa rin bang mag-itim kung ang lapit-lapit ng mga ulap sa araw?

Hun 16, 2025

Another form

“People were always skeptical after the procedure, refusing to accept that the loved one didn’t pass away, but safely transitioned into another form. Wendy knew she almost couldn’t believe it when it happened to Peter. She took a deep breath and chose her words delicately.”

Tatlong pangungusap ‘yan sila mula sa “Silvered Sentience,” ang huling kuwentong isinumite ni Paolo Torres sa aming klaseng HUM 160, isang dekada na ang nakalipas. Naging estudyante ko rin siya bago noon, sa HUM 1, unang beses namin, at tumatak siya sa akin kahit 150+ ang kanyang kaklase! Habambuhay na ang pagkakatatak na iyon.

Nagpapasalamat at nagkabatian nitong a-diyes ng Marso, kanyang ika-30 kaarawan. Kahit saglit lang.

Nakikiramay sa mag-anak at mga kaibigan. Paalam, Pao.

May 31, 2025

Edad GE

Narito ang aking ambag sa oryentasyon sa aming mga freshmen noong ika-29 ng Agosto, 2022. Maaaring napapanahon ang ilang sipi, ngayong nagpanukala ang DepEd sa CHED na bawasan pa ng tatlong kurso—art appreciation, the contemporary world, at ethics—ang General Education program ng bansa.

· 

Magandang tanghali sa atin, lalo’t siyempre sa ating mga bagong estudyante, sa mga freshies. Mga 19 anyos ngayon kayo karamihan, pero may ilang 18 din at 20. Ako nama’y 43, ngunit ang tanong na nais nating balikan ay “Gaano tayo katanda ayon sa GE?” O ang isa pang bersyon nito “How old does GE want you to be?”

Before that, we define General Education as “a suite of courses that all undergraduate students, regardless of their major, must complete.” We hold it in common with the whole UP system, a true touchstone, hence our Tatak UP. GE prepares students for major courses. The slide says it “augments and rounds out the specialized knowledge that the students receive in their majors.” Kaya mainam mang makarami ng GE sa umpisa ng inyong buhay sa UP, mabuti ring kasangkap ang ilan nito sa mga junior or senior semesters ninyo. Layon nitong kausapin ang inyong mga kursong major, isakonteksto sila sa uniberso ng kaalaman, sa mas malawak at patuloy na aktibidad ng pag-alam. Sa ganitong paraan, nais kayong buksan ng GE sa maraming punto de bista, payamanin nang husto ang inyong paglalagi dito sa pamantasan.

Kasalo ninyo sa anim na GE ang buong UP Los Baños:

ARTS 1. Critical Perspectives in the Arts
COMM 10. Critical Perspectives in Communication 
ETHICS 1. Ethics and Moral Reasoning in Everyday Life 
HIST 1/KAS 1. Philippine History/Kasaysayan ng Pilipinas 
STS 1. Science, Technology, and Society 
PI 10. The Life and Works of José Rizal

Makapipili rin kayo ng karagdagang tatlo mula sa labing-isang GE:

HUM 3. Reading Film, TV, and the Internet 
KAS 4. Ang Kababaihan sa Kasaysayan ng Pilipinas 
MATH 10. Mathematics, Culture, and Society 
PHILARTS 1. Philippine Arts and Culture 
PHLO 1. Understanding Philosophy 
PS 21. Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas 
SAS 1. Self and Society 
SCIENCE 10. Probing the Physical World 
SCIENCE 11. Living Systems: Concepts and Dynamics 
SOSC 3. Exploring Gender and Sexuality WIKA 1. Wika, Kultura, at Lipunan

Ngayon natin balikan ang tanong, “Ano ang hinihiling sa ating edad ng GE?” Matandang usapin na ang kasarian at sekswalidad ng SOSC 3, pero hindi ba may mga pag-unlad dito na ngayon lang naitatala nang maayos-ayos, sa inyong henerasyon, mga identidad na ngayon lang naisasatinig nang bawas ang garalgal, buong tapang at pagmamalaki? Hinggil din sa bago ang kursong gaya ng HUM 3, na kung tutuusi’y tatlong panahon din, ang pelikula ng lolo’t lola, telebisyon ng ama’t ina, at ang internet na inyong-inyo, mga kabataan. At may PS 21 na nais tayong ibalik sa mga kahindik-hindik na ganap ng 50 taong nakalipas! Nais kayong maging 50 years old ng GE, at higit pa kung kasaysayan ng kababaihan sa Pilipinas!

Kinuha ko ang PHLO 1 sa UP Diliman kay Prop. Nap Mabaquiao, mga 25 taon na ring nakaraan. Hindi ko makalilimutan ang unang pahina ng pinabasa niyang aklat, ang Sophie’s World ni Jostein Gaarder. Doon ko nakilala si Goethe na gaya rin ni Rizal para sa akin, isang GE embodiment o taong GE: nobelista, siyentipiko, pulitikong tao. Ayon sa salita ni Goethe, mga 200 taong nakalipas, doon sa hawak kong aklat: “He who cannot draw on three thousand years is living from hand to mouth.”

“Siyang hindi nakikinabang mula sa tatlong libong taon ay nabubuhay nang isang kahig, isang tuka.” Parang magic sa akin ang mga salitang iyon, biglang hiniling sa akin na tumanda nang husto, balikan ang lahat ng yamang ipinundar ng mga kagaya kong tao sa loob ng libo-libong taon! Sa dakong matematika, halimbawa, kay tatanda na ng mga sistema ngunit alin ang pinakabata sa mga pangunahing numero? Ang zero na mga 1,500 taong gulang lamang! Bago noo’y hindi natin matanggap na kailangan/maaaring markahan ang wala—at gagamitin ito! Kung wala ang wala, kung hindi tayo tumawid mula Roman numerals tungo sa Hindu-Arabic, wala tayo ng kasalukuyang teknolohiya, wala lahat ng ating mga computer, mga gadget at apps na tila nilampasan na ang mga aklat sa pagkunekta sa higit pang tao at higit pang kaalaman.

Ngunit konserbatibo pa pala ang 3,000 taon ni Goethe, lalo kung mapapadpad tayo sa ilang unang ebidensya ng sining sa mga kuweba sa Espanya at Pransya, at ang natuklasan nitong 2021 lamang, sa kalapit-bahay natin, sa Sulawesi ng Indonesia, na hinihigop tayo tungo sa 44,000 na taong nakalipas, sa mga pigura ng hayop sa kuweba, mga hand stencil gaya ng pamba-vandal natin sa mga pader ng ating kabataan. Ngunit ang homo sapiens ay 200,000 taon na ayon sa ebidensya. Itong katawan natin, itong ganitong DNA, mahigit kumulang, ay nag-uumikot na sa daigdig nang ganoong katagal—ngunit hindi agad nagka-sining? Ano kaya ang “self” o “society” ng ating kanunununuan? Iyon ba ang isang kahig, isang tuka? Taong walang kasaysayan, walang matematika, walang siyensya—ngunit paparoon na rin siya ano? May kung ano na sa kaniyang panaginip. May namumuo. May uusbong patungo sa atin, kung nasaan tayo ngayon, dito, kung saan pinag-uusapan natin sila, sila na tayo rin. Dito sa kaparehas na daigdig na 4.6 bilyong taon na ang tanda.

Our activities in the laboratory, in the clinic, onstage, and onscreen, our daily walk to school, our ride home, all these should draw from fifty years of reclaiming democracy, 44,000 years of culture, 200,000 years of biological existence, and 4.6 billion years of physical possibility. Our now, though hopeful, is precarious. Forces at this very moment seek to separate us from our greater context, our shared humanity. Those who want your future will rob you of your past. Magpapakamusmos tayong lahat kung wala ang mga liksyon ng ating GE. Mauuwi tayo sa ngayon at sa ngayon lamang, isang ngayong walang balor o saysay: isang kahig, isang tuka.

Salamat freshies sa inyong presensya, sa ating pagkikita, at sa inyong walang kamatayang karunungan.

May 26, 2025

Kahon

Patay-sindi ang ulan ngayon. Alas dos kahapon, nilibing ang aming Tito, bunsong kapatid ni Dad. Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas nang minsan kaming bumisita sa kanilang bahay. Siyempre masaya kami, makakalaro namin sa pekwa at jackstone ang mga pinsan! At! Masarap kasi ang pagkain doon, parehas magaling sa kusina sina Tito at Tita. Ngunit nagkataong abroad si Tito. Sa halip, may kahon sa may telebisyon nila na punong-puno ng mga cassette tape. Hindi sila tugtog kundi mga nirekord ni Tito Manny sa Jeddah, mga piraso ng kanyang boses na pinatawid sa tubig at buhangin. Titig na titig ako sa mga tape na iyon kahit wala naman sila ni bulong sa akin. May nakasulat lang na ilang salita, at may petsa. Ito si Tito Manny. Ito ang una kong pagkakakilala sa kanya.

Sa kabutihang palad, nakapagretiro siya mula sa pangingibang-bansa. Noong 2017, si Tito ang sinabihan ni Dad na parang hindi na siya magtatagal (at sa taon ngang iyon namaalam si Dad). Nito lang, 2023, makailang beses niloob ang bahay nina Mama. Dumating si Tito, tinulungan kami nina Ate, tinututukan ang pagsasaayos sa grills at pagpapakabit ng CCTV. Ang mga ito (at iba pa), sa kabila ng matitinding dagok sa kanyang buhay bilang asawa, ama, at kapatid.

Lahat ng nagmahal sa kanya at minahal niya ay mga sisidlan ng kanyang tinig, halos pabulong na kung minsan, mahinahon, sadyang mapagpalakbay. Makarating din sana ang aming yakap at pasasalamat. Isa pang abroad, kung gayon, mahal naming Tito Manny. Ika-20 ng Setyembre, 1959—ika-21 ng Mayo, 2025.

litratong kuha ni Edu, mahal kong pinsan at pamangkin din ni Tito Manny

May 5, 2025

19M sa hayskul ang hindi functionally literate

Mahilig si Rene sa tanong na Paano kung hindi totoo ang daigdig?
Kung masagwa pala ang ugali ng diyos at nililinlang lamang ako nito?
Kumatha ng hindi-tunay na mundo para sa hindi-tunay na ako?

Goodbye na agad sa kaeskuwelang biglang sumagot kay Rene.
Pag-aaksayahan ka ng banal na laway upang ma-showbiz lang?
Main character much?

Hindi tayo para pagsinungalingan o sabihan ng totoo.
Ni hindi tayo para pansinin.

Tayo-tayo lang ang naglolokohan dito.
Hindi sa minamaliit kita ha.
Hindi ka rin minamaliit nitong lumikha.

Ginawa kang assuming, ‘yan ang disenyo sa’yo.
Naisulat na tayo, kay hina lang nating magbasa.

Abr 25, 2025

13K

Lagnatan sa amin ilang araw bago itong Martes Santo. Kukuha sana ng yelo, kaso ubusan dahil sa init ng panahon. Nagtanong ako sa kahera sa mismong branch na ito. Wala raw. Nanigurado ako sa freezer at wala nga. “Teka muna, sir,” sabi ng isang ate na biglang lumapit sa mga freezer. Naka-jacket siya sa ibabaw ng unipormeng pula at mukhang pauwi na. “Heto, meron! Ilan po?” Nasa ilalim pala ng mga ice cream. Sabi ko, tatlo, pero sige ate, ako na, tenks! Siya na raw, at magbayad na lang ako para hindi agad matunaw. Pinagbukas pa ako ng pinto palabas, at ayun na nga, nag-aabang ang sundo niyang motor. Naku, salamat salamat! Ikinuwento ko agad kay misis. Awas na si ate pero inasikaso pa talaga ako hanggang mabuo ang transaksyon. 

Siya agad ang naisip ko sa balitang ito.* Okay lang sana sila. Makabawi-bawi sana.

_____________________________________

*24-hour convenience store sa Bay, na-holdap.


Ene 24, 2025

Tilaok ni Boris

Bago magsimula ang ikalawang semestre, pag-isipan sanang magboluntaryo sa Ugnayan ng Pahinungód! Narito ang aking karanasan nitong nakaraang semestre. Salamat po sa Filipino Writers sa paglathala :)



  __________________________________________ 

MGA SIPI 
1. Hindi ginamit ang mga tunay na pangalan ng mga kalahok. Tinago ang lokasyon ng paaralan. 
2. Bagamat dati nang nakatrabaho ang Ugnayan ng Pahinungód UPOU, ito ang una kong karanasan bilang volunteer storyteller para sa kanilang Read Aloud Program. 
Patuloy sana ang tagumpay nila at ng kanilang mga katuwang na paaralan. 3. Sinulat ni Rebecca T. Anonuevo at ginuhit ni Ruben De Jesus ang librong 𝘈𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘩𝘪𝘺𝘢𝘪𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘯𝘰𝘬. Kabilang sa nilalaman nito ang tatlong linya: “Paglaki ko, ako naman ang magtuturo / Sa mga mahiyaing batang manok / Kung paano ang pagtilaok.”

Ene 16, 2025

P-trap

Hindi umubra ang sealant ko, kahit binalot pa ng goma ng tirador. Agad kang rumesponde kahit Christmas party ninyo. “Ayoko ring sumayaw.” Pagkatapos ng epoxy at bilin (“hanggang bukas na kayo walang lababo, para sigurado”) hindi ka makaalis dahil sa lakas ng ulan. Sinasagutan namin ang eval form (na binalot mo pa ng plastik at sinakop sa loob ng kamiseta), habang nagkukuwento ka tungkol sa paghuhukay ng septic tank at panghuhuli ng labuyong manok. Siyempre, kuya, 5 lahat ‘yan, sabi ni misis pagkaabot ng eval form. Nagpasalamat ka pero “ma’am, kahit ‘yang 5 nyo pwedeng maging 3 ‘yan. Namamadyik ang performance. May iba silang napipisil sa item.” Dumako tayo sa bonus. Nagliwanag ang mukha mo nang pag-usapan ang mga boss, kung sino ang galante sa regalo. “Nasa mahabang mesa ang lahat, ikaw ang pipili e.” Tumila-tila na noong naroon na tayo sa pag-angkas ng iyong anak sa motor, sa paghatid-sundo. “Basta lahat, sa kanila lang,” bago nagpaalam. Kami ba ang huling trabaho mo, Kuya? Maraming salamat. Natuyo, kumapit. Pinasampung araw ka lang sa bagong taon. Sumalangit Nawa.

Dis 25, 2024

Skeletal workforce

Naiwan namin ang nebulizer sa bahay kaya tumulak kami nang madaling araw. Dire-diretso ang biyahe, hindi kami inabot ng isang oras—na kadalasa’y isa’t kalahati—kahit tuloy-tuloy ang ulan at maraming bahaging baha sa mula Calamba hanggang Pansol. 

Minabuti na rin naming dalhin si Damian sa nakagawiang ospital. Gaya nang inaasahan sa umagang katatapos lang ng Noche Buena, walang masyadong tao. Sa ospital, magiliw ang lahat kahit paano, nagpapalitan ng good morning at merry Christmas. Tahimik lang ang isang bantay sa labas ng emergency room, isang matandang babae, at kinailangan pang piliting i-fill-out ang form. “Kailangan na ho kasi talaga ‘yan,” sabi ng nars. “Parating na ho ba ba ang kasama ninyo?” 

Butas na ang panubigan ng kanyang binabantayan. Wala pang pedia, kaya kung manganak siya ay wala pang sasalo. Iniisa-isa ng nars sa ang mga pedia sa telepono, nakikiusap. “Sige na, Doc, 4 cm pa lang naman.” Wala na sa listahan niya ang pedia namin dahil alam niyang nasa Japan. 

Okay lang naman sa kaso namin kung hindi pedia. Mas maganda sana, siyempre, at mas maganda lalo kung magagamit ang x-ray (sa Lunes pa raw). Noong nahiga na para i-nebulize si Damian, nasa kabilang kama ang buntis. Pinaghiwalay lamang sila ng makapal na berdeng kurtina. Dinig na dinig ang hininga at halinghing sa sakit ng nagdadalang-tao. “Masakit ‘yan, wala pang anesthesia, mahirap,” bulong ni misis.

Wala siyang kasamang lalaki. “Baka natakot,” sabi ng isang nars. 

Samantala, may napapayag nang doktor ang isa pang nars, “pero on-call lang, nakapangako na raw sa anak.” 

Makalipas ng dalawang pausok, gumanda na ang oximeter ni Damian. Patanghali na nang makumpleto ang mga gamot. Mas mabigat na ang daloy ng trapiko, mas maulan din at lalong bumaha, ngunit mas maliwanag . Pagkabalik namin ni Damian sa mga kapatid, sinabi ko sa panganay, “uy, na-miss kita.” 

“Alam ‘nyo ba, nung nag-text si Ma na paalis na kayo ng ospital, kakagising lang namin?”

Nob 15, 2024

Pre-Pepito, Pre-Damian

Today was stuffy, humid. Tonight, the sounds outside—crickets, a motorcycle, the neighbor’s dog, my neighbor shushing the dog (“oy!”)—ring so clear. Hard to believe a typhoon’s on its way. Here’s the latest update:

This morning, after sending the eldest girls to school, we took Damian and Maria with us for groceries and errands. We stocked up on food, candles, and supplies, projecting Kristine’s effects on the coming days for reference, imagining us cut off from the roads, electricity, and water for two or three days, starting tomorrow or Sunday. We also wished to prepare a family feast for my boy’s birthday tomorrow. Damian and Maria took on the party planner role with delight.

The University suspended classes at noon.   


I picked up Elisha and Noam. Instead of coming straight home, they asked for a couple of stops to buy gifts for Damian. On the way, we saw a long queue for the UPLB-UP Diliman bus (UPLB Perspective took pictures). Back home, I made sure the wood we chopped was secure, weighed down, not a danger to windows when (if?) the wind comes. Other neighbors (not manong with the dog) had a videoke session going. While bringing some of the laundry in, I had a fine view of the moon.


Such a bright sky out. Please take care everyone!

Nob 13, 2024

Loob ng belt bag

Kaninang umaga, habang hinahatid sina Noam, Damian, at Maria, makalampas ang tulay na tinaguriang never-ending bridge, napansin namin ang isang lalaking may edad, light brown ang kamiseta at mas maitim na brown ang pantalon. Pinaghihiwalay ang mga pang-itaas at pang-ibaba ng itim na belt bag. Umaakyat ng Forestry ang matanda, mukhang nakapag-warm-up na sa Freedom Park. Maiigsi ang kanyang mga hakbang at may regularidad ang kumpas: mas mabilis kaysa karaniwang lakad ngunit hindi pa matatawag na jogging, walang gaanong talbog. Gusto ko pa siyang pagmasdan kaso nagmamaneho ako at marami pang ibang naglalakad-lakad na baka mailagay sa peligro. Pinag-usapan namin siya saglit ni Pinky bilang “goals”. “Kamukha siya ni Mr. Miyagi.”

Dati ko nang gustong itala ang aking mga kasalukuyang binabasa. Naumpisahan ko na kina Fantauzzo, Laux, at Ordoñez,  si CJ at ang IBON praymer, at siyempre ang mga zines. Mga marker lang sana ang mga ito para sa mga hinaharap na engkuwentro at muling pagbasa. Sa palagay ko, hudyat si “Mr. Miyagi” upang magdagdag ng mga muhon:

Una kong naiskor ang so we must meet/apart na collab nina Jesa at Vince Imbat. Salamat (sobra!) kina Ava at Jing, may kopya ako ng Everything is First Person ng aming IYAS mentor na si Sir Vince Groyon. Inayos ni Pinky ang pagbili ng Beckoning Baguio ni Sir Ivan at okey lang kahit na-miss ang 10/10 sale ng dalawang araw. Atats e. 

Mukhang nagwo-walking for fitness si manong kaya shoot na agad ang so we must meet/apart kung saan nagsusulatan ang magkaibigan tungkol sa kanilang paglalakad-lakad. Nirerekord nila ang mga layunin, sagabal, at sari-saring obserbasyon habang umuusad sa labas (at dahil mapagnilay, paglalakbay din sa loob). Mukhang ibang-iba ang layunin ni manong (na patuloy kong pinaglalakad paakyat ng bundok ngayon, sa gabi ng aking iisipan). Palagay ko, nagpapahaba ng buhay, nagpapanatili ng nalalabing lakas. Maaaring may 10K step goal. May pagtatapos o kasal dalawa o apat na taon pa sa hinaharap at kailangan siyang makadalo.  

Madali ang 10K step goal para kay E—, ang matalik kong kaibigan, dahil sa trabaho niya sa warehouse. Katunayan, kung nakukulangan ako sa “hakbang pangkalusugan” dahil nakakain ng kotse sa pabalik-balik ng hatid-sundo, mahina kay E— ang 15K steps at inaalala na niya ang lagay ng kanyang paa. Pinag-uusapan namin ang lotion. Pinag-iisipan na niya kung mainam at kakayanin (kasi naman, mamahalin! may warranty!) na wool socks.

Nagbibilang din kaya ng hakbang sina Prop. Ivan at Prop. Vince? Solb na sa relo o... manual count? Kapwa kasi silang umamin sa kani-kanilang mga libro na may kakatwa silang predileksyong magbilang nang magbilang. Nagsimula ang sanaysay ni Ivan na “At Least, Some Charm with Numbers” sa “I have some fascination with basic operations with numbers, which I guess I hope do not lapse into the lunatic. When I am in jeepneys, I count the passengers—lima kami nang umalis sa terminal; may pinick-up na dalawa sa store, pito na; tatlo sa highway, sampu na; dalawa sa Chapis, dose na; siyaman ang jeep, may anim pang bakante sa likod, duwa pay jay sango.” 

“I wouldn’t want to call it a malady” naman ang pambungad na sugnay ni Prop. Vince sa sanaysay niyang “Ock-Ock”. Nakakaasar daw ito habang nagtatagal at napansin ng mga kasama. Nababawasan ang kanyang pokus at pag-intindi sa naririnig o nababasa. Samantala, iniisip ni Prop. Ivan ang konek ng ganitong mga operasyon sa pagiging malikhain, sa likot ng utak.

Paano kaya kung maging lalo pang detalyado ang step counter sa ating relo at mobile? Ano kaya ang makukuha natin sa datos? Sa ngayon medyo abante na nga, nababasa ng app sa phone ni Pinky maging ang incline angle. Kung real-time din ang pagsukat ng BP at tibok ng puso ng relo, aba’y i-synch na sila nang maging treadmill mo na ang mundo! Sa akin, mas mahalaga ang pagbilang ng hakbang at pagkakategorisa ng mga ito, hal., ilan sa mga hakbang ko ngayong araw ang napunta sa pagsasampay ng damit? Sa pagsampa at pagbaba ng mga bag ng bata? Papunta at paalis sa hapag-kainan? Habang may kasama? 

Ilang libo sa mga hakbang ang talagang dedikado sa kalusugan? Ilang daan sa pagtapon ng basura sa labas? Ilang libo-libo ang mga hakbang na hindi inalintana? Samakatwid, ilan ang may kabuluhan, ilan ang walang saysay? Maaaring makatikim pa ako ng pie chart na iyan kung uusad pa ang teknolohiya, mapapahaba ko ang buhay, maitutuwid natin ang lipunan, at maiiiwas ang daigdig sa pagkagunaw: Update: 1,118 of your 9,265 steps were happy.

Nob 12, 2024

Only the lonely

Saw a foot-long whip snake this morning on Pinky’s indoor bike. Must’ve slithered in from a hole in the window screen. Third time I encountered this type of snake. Did a shahai on the first one. 

Fortunately, I spotted this after two trips of sending the kids out to school. Expert friends (Joshua, Rei, and Sir Jun Lit) identified it as either Philippine whip snake or red whip snake, both classed as mildly venomous. Mating season is from November to January, Rei warns, so I should be wary of a possible hidden other. 

It was docile, and I’d hate to harm it. We used two laundry hanging rods to safely lead it away. Clumsy first attempts, but after figuring out its movement pattern (sidewinds to counter and escape) all that was needed was to keep it from seeking refuge in dark underspaces, fish it out immediately if it does, clear a path, and rush it out the door. Must be what hockey feels like.

Pinky asked what I thought when I found it, like, if mortality entered the picture. It didn’t. Or, it wasn’t the first or second thing. I puzzled over how I even noticed it. When I found it, the snake rested along the grooves of the indoor bike’s tread, head down, unmoving, perfectly camouflaged. By all accounts, I should’ve missed it. 

Later, during our fetching rounds, Pinky remembered how she once joked with Mang Luis, the housing office foreman, who once rounded up his crew to help us with a meter-long monitor lizard that managed to gain entry. “Mang Luis, may ahas sa bahay! Nakatuwalya pa!” 

We lost Mang Luis early this year. Now I’m thinking of the late Telesforo Sungkit, who we call Jun, who I tease with “Kabesang Tales,” an endearment which he maybe didn’t like (he’d smile just the same). He used to hunt snakes. Jun said they were more afraid of us than we were of them. That singular line has guided these few and far in between encounters with Ronald’s “danger noodle” and A’s “stringy boi”.

Nob 11, 2024

Nika

Naghanda kami sa bagyong Nika kahit kakaunti ang ulan at halos walang hangin. Mabuti na ang sigurado. Sinuspinde ng gobernador ang mga klase sa lahat ng antas kahit nasa TCWS #1 lamang ang Laguna. Dahil kaya hindi pa naghihilom sa Katrina? Hindi pa tiyak na tiyak sa mga estruktura? Gaya rin lang siguro namin, nanigurado. Baka tama lang dahil tuloy pa rin ang pagkumpuni sa mga kable. May mga kumpol pa ng mga retasong troso sa mga sidewalk. Walang tigil ang pag-iimis, pero marami-rami pang kalat na maaaring maging problema. At sa loob pa lamang ito ng kampus.

Sa labas, hindi pa tapos ang pamimigay ng yero sa mga nasiraan ng bahay. Hindi pa nga alam ng mga kuwalipikado tumanggap kung yero talaga ang iaabot o peperahin lang. Basta hindi raw hihigit sa dalawang pirasong yero.

Samantala, ang pagsuspinde ay gaya ng nakasanayan kong diskarte bago ang pandemya. Walang asynchronous-asynchronous, walang kahit anong kondisyones. Hindi ko alam kung pinagsisisihan ang pagsuspinde dahil naging kalmado ang panahon sa Laguna. Nangyayari na naman ito dati. Hindi pa rin 100% ang ating pagkilala sa lagay ng panahon.

Pumaitaas ang bagyo kaya napupuruhan ang mga kababayan natin sa Norte kahit katatapos lang nila kina Leon at Marce. At naku, may dalawa pang parating! Kung sakali, papangalanan silang Ofel at Pepito.


Ngayon ko lang naalala na Nika rin ang pangalan ng bida sa binabasang nonfiction ni Laurel Fantauzzo. (Salamat ulit kay Pau!) Kaka-landing ko lang sa pahina 100 at sa puntong ito, mas kilala ko si Alexis, ang bidang lalaki. Kaya rin siguro hindi ko agad naikonek sina NikaPH at Nika Bohinc. O sadya ko yatang iniiwasan ang pagsentro ng trahedya ng magkasintahan sa aking pag-iisip habang may hinaharap na mga peligro.

Samantala, may pasok na bukas at kailangang maghanda sa hatid-sundo. Martes ang pinakamaraming pabalik-balik. Kung matino-tino ang panahon, tingnan natin kung maipagpapatuloy ang labada. Pati na rin ang pagsasaayos sa bakuran.