ni Sean Cho A.
aking salin
Hindi kita nais magulantang pero may madla
sa labas. Lahat sila, sa loob-loob nila’y nais kang makitang
mahulog. Ito ang dahilan kung bakit tayo bumabagal magmaneho
kapag may banggaan, kung bakit pilit binubuhay ng mga pusa
ang mga patay na daga sa baitang ng ating pintuan.
Aminin mo na: natutuwa kang isiping maaaring kang mamali ng yapak
patungo sa paanan ng Diyos. Maaari ka naman sanang naging
karaniwan: nagbenta ng mga laspag na awto sa mga sabik na bagito,
life insurance sa mga paranoid na maalwan ang buhay— pero hindi e.
Hindi kita masisisi. Sa ngayon, may mga silid na puno
ng mga nagpipigil na lasenggo, mga naghahatak ng dahon ng kalendaryo,
naghihintay na mamatay nang matino, mga paring nagwiwisik ng agua bendita
sa mga isinilang na patay. Pasensya na’t hindi ko ninais
pumukaw-pansin. Sinasalat ng iyong ina ang mga butil ng rosaryo
habang nililipat ng nars ang TV ng hospicio
sa balita. Ngayo’y pakalmahin ang iyong sarili. Panahon na
para sa iyong pagsusulit. Ano ang pinakamasamang maaaring mangyari:
gigising kang hinuhugasan ng langis ng olibo ang paa ng Diyos,
inuulit ang mga paboritong kuwento ng iyong pinakamasahol-na-sarili
nang may bantas sa bawat isa na Panginoon, patawarin mo ako.
Tinadtad ang mga ideya at isinahog ang kambal-dila para sa salusalong ito. Sana may sustansya. Masimot man o hindi, tanggapin ang aking pasasalamat sa iyong pagtikim.
Ene 11, 2021
Ang Tumatawid ng Lubid Bago Siya Tumiyad-tiyad sa Pagitan ng Napakatataas na Gusali
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento