Set 22, 2024

Bañamos 2025

May mga fireworks habang sinusulat ito. May tugtugan sa may dating munisipyo, sa may dalampasigan, doon mismo kung saan kami binakunahan sa panahon ng mga lockdown. Kaninang umaga, nililinis na nila ang grove. 

Nasa pagitan tayo ng anibersaryo ng paglagda at pag-anunsyo ng Batas Militar (ika-21 at 23 ng Setyembre, 1972). Nagsindi ng kandila ang aking mahal na editor sa kanyang hapag-kainan sa Cavite bilang biktima at kaibigan ng mga biktima. Sinusubukan kong magsulat, ngunit...


Maigsing selebrasyon ang saglit na pakikipagkita sa aking kaibigan at sa kanyang asawa (at may kurot pa rin talaga ang kaligiran) bitbit ang mga regalong aklat ng aming tinitingalang guro. Nakilala nila si misis at ang dalawang bunso. Iilang minuto lang ito, hindi na kami nakaupo, pero naikuwento pa ang naganap na pambubudol. Magdadalawang dekada na rin nang huli kaming magkita nang personal. Kung hindi ako nagkakamali, sa kasal ito ng kaibigang yumao kamakailan, si Jun Sungkit. Tinulaan ko ang mag-asawa noon, “Dalawa” ang pamagat, at baka una ko itong pabigkas na tula. Wala akong kopya nito.

Ikinagagalak ko ring makatanggap ng tula sa DM mula sa isang hinahangaang makata. May eksibit ang aking kapatid sa Italya. Ilan lang ang mga ito, kung tutuusin, sa mga bagay na kailangang ipagpasalamat. Na lagi’t laging kabugkos ng mga kalunos-lunos na bagay. Halimbawa rin siguro ng ganito ang mga pulitikal/di-pulitikal na ganap sa pista ng Peñafrancia.

Bukas may transport strike. May mga abiso na ng walang pasok para sa ilang eskuwela ng Maynila at Cavite. Kami naman ay maaga-agang awas, ayon sa Malakanyang:


Hindi (pa?) para talikuran ang mga pagdiriwang. Kailangan ang ligaya kahit pinaliligiran at nagmumula sa mga tinakot, piniit, at pinagdusa. Kung nais harapin at himayin ang salimuot, tara! Kung hindi kaya sa ngayon, oks, pahinga muna. Piliin lang ang masasayang misteryo... o ang malulungkot na misteryo, alinman ang mas napakikiramdamang totoo sa kasalukuyan.  

Maligo sa kalye at/o magsindi ng kandila.

Walang komento: