May 8, 2025

Trigger Warning sa Dalawang Nakaitim

Katawan ang ating babasahin. Sapat na sana ang babala. Huwag nang magpatuloy, please, kung hindi kayang sikmurain kung bakit may maaalwan na buhay. Halimbawa, mababanggit ang pagpapatiwakal hindi dahil uminom ng muriatic si Liliosa Hilao sa palikuran ng mga lalaki, kundi dahil ito ang iprinisintang dahilan ng militar, sang-ayon sa kuwentong nalulong siya sa droga, kalakip ng kanyang katawang ibinalik sa pamilya, Abril 1973. Disyembre 2016, pneumonia naman daw ang ikinamatay ng siyam na anyos na si Lenin Baylon.

Babala rin sa aking sarili, na nagpapatumpik-tumpik pa bago magpatuloy. Paanong kasaysayan ang nag-uulit sa kanyang sarili samantalang ako itong nauutal? Pinainom ng truth serum si Liliosa Hilao. Ayon sa awtopsiya, makailang ulit siyang tinortyur at ginahasa. Ayon sa awtopsiya, tinamaan ng bala si Lenin Baylon. Katulad niya ang ilan pang may bala sa katawan pero pneumonia o sepsis ang ikinamatay.

Dalawang linggo bago sana grumadweyt ng cum laude, kursong Communication Arts sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Abril 1973. Disyembre 2016, tatlong araw bago sana ipagdiwang ang ikasampung kaarawan.

Sa tambalan at tunggaliang Marcos-Duterte, binabanggit ang posibleng kamatayan ng Pilipinas. Maaari raw siyang ipapatay, ayon kay Duterte. Matatamaan daw ang mga Marcos, kung sakali. Handa nang mamatay sa bilangguan si Duterte. Sa sinag ng kamera, nakasuot ng itim ang mga katawan nina Marcos at Duterte, buong-buo, may isang 46 anyos at may isang 69 anyos, humihinga, at hihinga pa rin bukas.


_________________________
Javar, R. C., Asuncion, R. J. A., Tugano, A. C. J., & Santos, M. J. P. (2022). Liliosa Hilao. In 50-50: Talambuhay ng mga Pangunahing Personalidad ng Batas Militar (pp. 139–143). essay, Limbagang Pangkasaysayan.

Lopez, E., Lema, K., & Baldwin, C. (2022, June 2). A pathologist, a priest and a hunt for justice in the Philippines. Reuters Investigates. https://www.reuters.com/investigates/special-report/philippines-duterte-death-certificates/

Walang komento: