Dis 31, 2020

Papa—Auntie



Daang Baligtad

ni Harryette Mullen
aking salin


     kasunod ni Richard Wilbur


Ang kabaligtaran ng maglakad?
         Isang manghuhulang may bolang kristal
                    at mga barahang tarot
                                                  na berde ang nakikita
                                                                         nang basahin ang palad mo.

       Sa senyal ng pulang palad
                      hindi ako naglalakad
                                                    kundi tumatakbo.

Dis 20, 2020

Pananaginip sa Gobernador at Mayor na Lumulubog sa Ilog

ni Ariel Francisco
aking salin


Siguro’y pinag-ugpong sa bukungbukong,
ng isang bloke ng kongkreto, parang mga buntot
ng Pisces. Sige, hayaan silang yumapos
sa Ilog Silangan nang magkasama,
umagang-umaga, upang pagpalain sila
sa wakas ng liwanag ng panibagong araw
na kay gandang sumisikat nang wala sila.

Dis 7, 2020

Mula sa “Magnanakaw, Pagnanasa”

ni Julietta Singh
aking salin


May dalawa man lamang na paraan upang unawain ang pagsibol ng pagnanasa: una, sa pamamagitan ng saglit, kapag may kung anong nag-iba at ang iyong paraan ng pagkilos at pagtugon, ang iyong paraan ng pagbabali-baligtad ng mga bagay-bagay ay nagtamo ng pansaligang pagbabago. Susunod, sa pamamagitan ng pag-iipon, kung paanong sa haba ng panahon at patuloy na pag-uulit, hinihila tayo ng ating mga kasaysayan sa mga natatanging gawi at paraan ng pagdama at pagnanasa. Ang nais ko ay ang ideya ng arkibo. O, mas tumpak, ang ideya mismo ng kung ano ang maaaring ihain ng isang arkibo. Kahit batid kong itong aking pagnanais para sa arkibo ay mula sa matagal na pag-iipon, hinaharaya ko ito bilang tangi at nag-iisang saglit.