9:04 PM 11/24/01 UMBERTO ECO PA RIN
Sa mahihilig sa arcana, hindi maaring iwanan ang "Foucault's Pendulum" sa koleksyon. Kapag nasanay ka na kay Umberto Eco, hindi ka magugulat sa diskarte niyang "angkinin" sa pamamagitan ng mabusising pagtahi ng kwento ang isang peryodo at isa (o marami pang ibang) sistema ng pag-iisip. Sa "The Island of the Day Before", inilagom niya sa buhay at paglalakbay ng bida ang dilim noong patapos na ang panahon ng Renasimiento. Sa ngayon, tinitingala ang panahon na ito bilang simula ng seryosong pagtutok sa agham bilang pundamental na behikulo ng "proyekto ng Tao." Ngunit dito, tinututukan ang mga daloy ng pag-iisip, kabaliwan, kahunghangan, at kalupitan na bumabalot sa kasaysayan ng agham.
Sa Foucault's Pendulum, inilagom naman sa buhay ng tatlong intelektwal na abenturero ang masalimuot na kasaysayan at interaksyon paniniwala, pantasya at katotohanan. Hindi ko pa nababasa ang kanyang klasikong "The Name of the Rose". Napanood ko lang sa Philo 1. Kinalantari naman noon ang takbo ng pag-iisip at kapangyarihan noong panahong Medieval. At kung paano, sa banggaan at pagkakasangkot ng lahat ng ito, nakasalig ang huling "anyo" ng katotohanan. At syempre, moralidad.
Maayong sundan ang mga trabaho ni Eco. Pero mas maganda sana kung inumpisahan ko muna sa "How to Travel with a Salmon & Other Essays" para hindi ako nabigla! Kunsabagay, wala pa ring tatalo sa gulpe de gulat para manatili sa kukote ang binasa.
9:54 PM 11/24/01 HARRY POTTER
Kagagaling ko lang sa Powerplant. Ubos ang apat na cinema ng Harry Potter! Matindi! Manonood sana kasi si Monica, syempre, bilang sanggunian sa kanyang linya ng trabahong magturo sa pre-school. Wow! Tips mula kay J. K. Rowling hinggil sa storytelling!
Hay naku, Pottermania nga talaga. Para sa mga taong katulad ko na madaling magduda sa sustansya at substansya ng anumang pop, todo iwas syempre sa anumang pinagkakaguluhan. Pero, mukha namang maganda. Ako na lang sa aming apat na magkakapatid ang hindi nakababasa. Book Four sila lahat! Kaya wala akong masasabi hanggang sa hindi nababawasan ang mga nakapila.
10:02 PM 11/24/01 BONIFACIO DAY
Sa mga naghahanap ng makabuluhang paraan para ipagdiwang ang Araw ni Bonifacio (ang Pambansang-Bayaning-hindi), maraming opsyon. Dalawang suhestyon. Una, basahin ang kabalastugan ni Mey na hiram na kopya. Itapon ang libro (na pinakamalaking pagkakamali ng New Day sa aking palagay) bilang asersyon ng paglaya ng iyong kaisipan. Sabihin sa hiniraman na nadisgrasya ang libro at palitan ng sulatin ni Ocampo o Ileto. Magalit man siya sa iyo, maging tiwasay ka sa pag-iisip na iniligtas mo ang kanyang kaluluwa.
Ikalawa. Interesanteng mas lalo ito. Dumalo sa isang hapon ng kultural na pagtatanghal sa PUP Manila (ang pamantasang sawi, binabaha na nga, sa ikaanim na palapag pa!) May dula, basahan ng tula, musikang makabayan at pagtatanghal mula sa mga artistang mulat. Siguro naman, kaisa ko kayo sa paniniwalang marami pang kulang sa kalagayan natin hindi ba? Subukan ang lahat ng puntodebista! Walang mawawala kundi mga ilusyon! At maraming mapapala maging sa antas na estetiko, intelektwal, at (akala n'yo di ko sasabihin ito no?) moral.
Galing ni Boni no? Topak talaga si Agui(present company included?)...
10:18 PM 11/24/01 F. SIONIL JOSE NAMAN
Grabe! Takam na takam na talaga ako sa "Pentateuch" na mga nobelang Rosales ni F. Sionil Jose. Kontrobersyal na Pambansang Alagad ng Sining si Jose (sige, spare y'all the details). Pero basahin n'yo na lang at baka mapredikta ko kung saang banda kayo papanig!
Dalawa pa lamang ang nababasa ko. Una ang pinakabagong labas niyang obra, ang "Ben Singkol". Matindi! Pasensya sa mga ekslamasyon, dala lang ng sobrang emosyon (hindi ba sa lumang balarila, bantas pandamdam yata ang tawag?). Noong Undas ko pa natapos ngunit hanggang ngayon meron pa ring aftertaste. Palagay ko nga nakakintal na sa utak-dila ko ang lasa e. O bahagi ko na.
Buksan ang pag-iisip sa pagbabasa, huwag masyadong defensive! Palampasin na ang ilang typo at maling konstruksyon ng pangungusap. Sa huli, pakinabang rin ng mambabasa.
Nabasa ko na rin ang "Gagamba". Kontemporaryo ang estilo ng isang iyan. Madaling tapusin ng mga mabilis magbasa. At kung abala ka, mababasa iyan ng maayos kahit pakabana-kabanata lang. Papayagan ng estruktura.
Sentral sa obra ang malakas na lindol noong bungad ng dekada nobenta. Ay! Bakit ko ba naalala iyan. Aakyat nga pala ako ng Baguio! (".)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento