Lungsod, Mula sa Tuktok, Isang Gabi
Nuong unang linggo ng Disyembre, napadpad ako sa tuktok ng Antipolo. Mula ruon, matatanaw ang mga ilaw ng Maynila sa pagkagat ang dilim. Kita ruon ang Cainta, Cubao, Libis, EDSA, Skyway, at mga karatig-lugar. Iba't iba ang kulay ng ilaw. Namamayani ang mga dilaw at kahel ng mga kalye pero naruon rin ang ilang puti at syempre pula sa tuktok ng mga gusali. Para sa mga eroplano, sakaling mapababa ang lipad. Kapara ng aking titig nuong gabi, pababa, dumadapo.
Sa kabuuan, interesanteng tingnan ang bista. Pakiwari ko rito'y isang nahulog na sanga ng isang mekanikal, maliwanag, at selestyal na Christmas Tree. Nasa pagitan ng aking tuktok at ng mga lungsod ang mga puno ng Rizal. Nasa kaliwa naman, tila nakasawsaw ang isang dulo ng syudad sa Laguna de Bay.
Kung saan-saan ako dinala ng aking pagmumuni nuong mga gabing iyon. Kahit babad sa tsaa at kape ang utak nuong umaga at serbesa nuong gabi, walang humpay ang pakikipagbuno ko sa bista.
Diyan ako iniluwal sa baba. Diyan sa nagpapakalangit na lupa kung saan nakapirmi sa mga poste't gusali ang ilaw ng mga bituin. Diyan sa lungsod na pinagkakaisa ng aspalto at semento ng sari-saring kalsada. Mula ruon sa aking kinatayuan, mga kubling lubid ang mga kalsada, makikilala lamang dahil sa gulugod ng mga ilaw at hilera ng mga gusali. Lahat, gapos ang mga ugat. Wala akong nakikitang tao mula sa ganuong layo. Pero alam kong naruon sila, kung hindi nakasilid sa bahay, nasa labas at nakahapit sa kurba ng mga kalsada, sa sulok ng mga kabit na pader, sa bingit ng mga pinto. Naruon sila, sa kanilang mga nakakahong buhay. Diyan ako iniluwal.
Napakatipikal naman para sa akin nuon. Porke't napalayo lamang nang konti, akala mo kung sino nang nasa itaas. Aba, dala-dala ko ang lahat ng mga estruktura ng lungsod na iyan! Mismong mga mata ko, nakapadron sa hubog ng mga bintana at salamin ng syudad, hindi ba? Ang ilaw na tinatanggap ng mga ito, panay artipisyal. Kung may araw man o buwan, may mantsa at marka na ng usok ng lungsod bago ko makilala ang liwanag ng mga ito. Nakadamit pa rin ako sa imahe ng lungsod. Nakahawi ang aking buhok, nagpapaka-intelektwal ang pungay ng mga mata, nakatikom ang bibig, nakasakop ang dila.
Itinuturing ko pa rin ang sarili ko na sibilisado. Ibig sabihin, pagmamay-ari ng lungsod. Bawat tibok at muwestra ng aking pagkatao, mula at akma sa lungsod at orden ng mga tao. Sibilisado. Ibig sabihin, pakatandaan ang etimolohiya, nakapader. Kaya ano't inatake ng burgis na pagkahambog?
Dito, manipis ang ulap. Parang nasa ibabaw na rin ako niyang maitim na alapaap na bumabalot sa syudad, iwinawaksi ang ilaw ng langit. Halata ang kapal nito, kahit sa karimlan ng gabi. Dito, sa tuktok, masarap ang simoy, nakakabuhay ng loob kahit ang lamig, at higit sa lahat, tahimik ang paligid.
Ngunit wala ako sa ibabaw ng anuman, anuman ang aking palagay. Hindi gaanong malayo ang itim na ulap kahit saan man ako tumayo. Nasa loob na iyan, tumiim nang husto sa kaila-ilaliman ng aking utak at baga.
Dala ko ang tulin ng mga pedikab, dyip, bus, at tsedeng sa aking pulso. Dala ko ang abo ng langit sa aking pawis. Nasa aking mga galamay, kalamnan, dibdib, at mismong labi ang peligro ng syudad. At sa aking isip, umakyat man ako sa itaas o sumisid sa kung anong ilalim, may bagay na kailanman hindi ko maaring itatwa.
Saan pa ako dumayo o mapadpad, hindi ko mapipinid ang panloob na tenga ng aking utak. Saan man ako naruruon, dala ko sa ulo ang ingay ng lungsod.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento