Dis 21, 2005

Maagang resolusyon

Hindi ako dapat magbasa ng mga nobela.

Leo Tolstoy
Disyembre 21, 1850
mula sa talaarawan


Hindi ako magbabasa ng kahit anuman sa loob ng isang linggo. Kaya ko kaya iyon? Kahit anumang babasahin, hindi. Kapag may titik, iiwasan ko: libro, talaarawan, e-mail, subtitle, mga paskil at pakilala ng sari-saring tetrapakete nitong nakakahong daigdig. O siya, puwera text. Kasi malabo namang mang-isnab sa telepono sa panahong ito, maski pa selepono iyan.

Si U ang una kong nabasang gumamit ng salitang selepono. Akin na iyan. Ganyan naman ang wika. Si Tolstoy ba nagpiFilipino? Haha. Mas alangan naman kung Ingles. Gusto ko nga sanang gawing Leyo ang kanyang Leo e. O Leio. Bakit ba ang apelyido niya, minsan Tolstoy minsan Tolstoi? Kasi iba naman ang alpabeto ng mga Ruso. Palalampasin ba kung gayon ang Feyodor sa gitna ng Feodor at Fyodor?

Sana lumabas na ang kanyang nobela. Sana hindi sopresa kasi sinira ko na. Si Ava ngayon ang isa sa mga nais kong makausap. Galing kasi siya sa Bukidnon, nagtahimik doon kasama ng mga monghe.

Wala akong nakikitang problema sa paglayo mula sa mga letra. Hindi ito mangyayari ngayong Disyembre. Malamang sa Mayo. Madali ito. Nakapamigay nga ako ng ilang libro e. Ilan na? Halos bente? Masarap palang malamang hindi ka pagmamay-ari ng mga ari-arian mo. Kahit ilusyon lang ang ganitong asersyon, isa lamang kabaligtaran na hindi total na kontradiksyon. Halimbawa, magkakaroon ba ako ng ibayong ligaya kung wala talaga akong pakialam sa mga aklat ko? Hindi. Kung wala talagang hawak sa akin ang mga iyan, saan manggagaling ang anumang damdamin, panghihinayang man o kaluwagan?

Isang linggong walang basa. Kung sa Mayo rin naman, text na rin tatanggalin ko. Wala na ring sulat. Tapos sa susunod na linggo, wala namang satsat. Puro sulat. Sapagkat sikulo ang buhay ng pagpanis ng laway at tinta at muling pagiging sariwa ng mga likidong dumadaloy mula sa utak at atay.

Walang komento: