Dis 20, 2005

Tama ka, N

Niroromantisa talaga ang mga malalayo. Lumipad kahapon paalis ng bansa si A-, isang estudyante ko na hindi ko na naipakilala sa iyo. Tinangay na niya ang ilang hangaring ayoko nang isakatuparan.

Dreams are a dime a dozen. Pengeng dime, di pa ako nakakakita noon. Dreams are a dime a dozen. Ano ngayon ang may halaga? Bangungot.

Wala pa pala akong naipapakilala sa iyo ni isa mula sa aking pitong semestre. Sayang, kung nasa launch ka, makikilala mo sila. Ngunit huwag kang mag-alala, imposibleng wala kang makikilala ni isa sa kanila. Nakasulat na sa palad mo. Wala akong kinalaman diyan ngunit pag tiningnan mong mabuti, mababasa mo na halos ang pangalan.

May mga mabait na bumabati sa akin, tol. Kumusta naman daw ang bakasyon. Wala pa akong sinasagot. Naghahabi pa ako ng generic message na hindi mukhang generic. Paano ito? Tip: wala dapat smiley.

Ikaw, matutuloy ba tayo sa a-tres. Si J-, marami akong ibibigay sa kanya: dalawang librong pinapirmahan kay F-, isang libro ng VW, at ayun, basta. Sa iyo, wala kung hindi aklat. Salamat sa tulong mo doon.

Lilipad ka na rin ba agad? Putsa nangungunyapit ako sa mga bagay na pamilyar. Malapit na naman malamang ang panahon na hindi ko na makikilala ang bago kong sarili.

The rolling stone gathers no moss. Minsan magandang gumulong. Ang lumot kasi, warm pero clingy.

May bangungot ako. Isa akong nagtatambling na sirkero. Tama naman ang salo sa akin ng lubid. Ngunit ang lubid ay balbas ng kambing. At maraming masyadong mata ang kambing. Malamang marami ring ngipin. Ngunit dinagdag ko na lang malamang iyon pagkagising ko. Ang mahalaga, nasa tuktok ng asul Kwek-kwek tower ang kambing. Nagyelo ang tore?

Paggising ko, pinangalan ko ang kambing sa iyo. Pasensya na tol, kailangan kong ipagpatuloy ang aking buhay. Ikaw ang malayo, matalino, at mabait. Kailangan ko lang ng sasalo sa kambing na sumalo sa akin kasi nga mahaba pa ang araw ko at marami pa akong trabaho. Alangan namang pag-isipan ko pa ang kambing na iyon?

Gumana naman. Nang ibigay ko ang ngalan mo, naging maamong tupa ang kambing. Hindi ko na maalala ito ngayon maliban sa balbas na lubid, masyadong maraming mata, at pangalan mo.

Kitakits.

Walang komento: