Dis 17, 2005

Sori, Kaibigan

Sabi ng kaibigan ko sa akin, "gusto ko lang namang may magbago e. At pagbabago na bukal mula sa dialogo ng aming mga ideyal."

"O ano ngayong isyu?"

"Ikaw, alam mo, lagi kang kritikal. Akala mo sumusuko porke umaatras. Palibhasa iyang estilo mo sa arnis, hindi marunong umatras. May yabang. Kala mo naman porke me yabang me paninindigan. Hindi pa ba ninyo naririnig ang atras na pakunwari lang? Nabasa mo na kay Eco sa Island of the Day Before iyon di ba? Atras na prepa sa atake? A basta, ganoon ang gagawin ko. Hindi ko na kasi alam. Tinutulak ko sila, kaso minsan kapag ang gusto ko lang naman ay itulak sila pasulong, nadadapa sila. Maayos na usapan, oo at hindi lang naman: mag-ayos ng palihan, magsaliksik sa field, anumang aktibidad, halimbawa, iyong magturo sila lagpas sa kampus. Pero ano? Umo-oo tapos "sori" dito, "sori" doon. Sawa na ako sa mga sori! Hindi naman ako nanggi-guilt trip no! Paki ko ba sa mga hang-up? Lahat naman meron nun a. Wala akong gagawin sa mga sori. Kung dati tamad, e di magtrabaho, dating epal, magpakatao nang konti. Kung dati palpak, e di putsa ayusin! Understood na iyon, wala nang sori-sori dahil tama lang namang magkamali. Ang kaasar e paulit-ulit. Ano, tsubibo? Nakakasuka! Ang gusto ko, sumulong! Gusto ko lang-"

"O siya. Ganito. Hindi na ako kritikal, di na, tol," sabi ko, "pero bakit ka ba aalis?"

"Kasi hindi ko na alam ang lakas ko. Nasabi ko na kanina: kapag tinutulak ko, o sige, kahit hinihila lang, nakakasakit ako ng tao. May umiiyak, may nagsosori, may nagtatago, may naiinlab. Pero ang tanong: may nangyayari ba? Andami-daming sugat tapos wala rin palang narating. Nasa square one. O zero. O negative."

"O OA ka lang. Mukhang may nangyayari naman e. May nababago ka."

"Wala," sabi niya, "isang mahabang linya lamang sila ng mga nasagasaan ko. O nahila, kala mo karwahe. Me gapos na bihag at kinakayas ang balat niya sa kalye."

"Basta ito, makinig ka," pasok ko, "hindi mo naman sila pineperahan di ba? Hindi ka nagtatago sa mga ideyal-ideyal vision-vision mo para maging magarbo ang noche buena mo?"

"Hindi iyon ang punto. Ang punto, nakapaa ako at nakapaa ang mga sumusunod sa akin. Kaya ng paa ko kasi nga dahil sa kalyo ng mga ensayo. E sila? Mga balat-sibuyas."

"Mababa ang tingin mo sa kanila," sabi ko, "huwag kang ganyan. Messiah na tono mo."

"Ikaw naman kasi, ano, madadaan mo ako sa consuelo de bobo? 'Buti di ka mukhang pera, buti di ka muhang pera'. Oy, oy! Alam ko ang hindi ko ginagawa. Siyempre naman hindi ako mag-aasal hayop ano, magpapakadupang. Isipin mong nasa antas na tayo ng tao, sige. Kaso hindi na ako makapagbitaw ng kahit anong salita. Kahit ang dating natural: di ako makapag-utos! Hindi ko na makorek ang mga mali. Kahit ngiti ko sa kanila, pinagdududahan ko. Kailangan kong umalis, sukatin ang lakas ko. Pati na lakas nila. Ayoko ng karagdagang biktima."

"Babalik ka?"

"Hay naku," sabi ng kaibigan ko, "parang awa mo na, ikaw, balikan mo ang maestro mo ha? Sabihin mo turuan kang umatras."

"Tinuturo naman sa amin ang pekeng atras ano. Hindi ko nga lang tinututo."

"Bakit?" tanong niya.

"Bakit pa? Pagbalik ko, iyon din naman ang problema? Iyon din ang kaharap. Kahit anong gawin ko, madudungisan pa rin ang kamay ko. Bakit pa ako magsasayang ng oras?"

"Nagbigay ka pa rin ng oras. Bakit pa? Ako, magbibigay nga ng oras sa kanila, mababalahura ko naman sila. Sayang lang mga lakas namin."

"Mas mabuti pa ba para sa iyo," tanong ko, "na mapunta lang lahat sila sa mga ganid na gagatasan sila?

"Hindi."

Walang komento: