ni Cesar Vallejo
aking salin
Mula sa lahat ng ito ako ang nag-iisang umaalis.
Mula sa bangko lalayo ako, mula sa aking pantalon,
mula sa aking dakilang kalagayan, mula sa aking mga kilos,
mula sa aking bilang na hinati mula gilid hanggang gilid,
mula sa lahat ng ito ako ang nag-iisang umaalis.
Mula sa Champs Elysees o habang ang katakatakang
eskinita ng Buwan ay kumikilo,
umaalis ang aking kamatayan, lumalayo ang duyan,
at pinapaligiran ng mga tao, nag-iisa, pinawalan,
tumalikod ang aking anyong tao
at isa-isang dinispatsa ang mga anino nito.
At iniiwan ko ang lahat, sapagkat ang lahat
ay nananatili upang lalangin ang aking alibay:
ang aking sapatos, ang mata nito, pati ang putik
at maging ang kurba sa siko
ng aking kamisetang nakabuton.