ni Charles Baudelaire
aking salin
Kahapon, habang dinadaanan ang madla sa lansangan, naramdaman ko ang pagkakasagi sa akin ng mahiwagang Tao na matagal ko nang nais makilala, na agad kong namukhaan bagamat hindi ko pa siya nakikita dati. Mukhang may kaparehas siyang kagustuhan, dahil nang dumaan siya’y kinindatan niya ako, makahulugan, at nagmadali akong tumalima. Maingat ko siyang sinundan, at maya-maya lang ay bumaba kasunod niya sa isang tahanan sa ilalim ng lupa, punong-puno ng mga luhong lubhang napakalayong matapatan ng mga tirahan sa ibabaw ng lupa ng Paris. Pambihira lang na maaaring makailang beses ko nang nadaanan itong tanyag na pugad at kailanma’y hindi napansin kung saan ang pasukan.