Hul 31, 2012

Talumpating Walang Lagda

ni Jorge Carrera Andrade
aking salin


Mga kasama: Itinayo ang daigdig yari sa ating mga namatay
at ang ating mga paa ang naglatag ng mga kalsadang-bayan.
Ngunit sa ilalim nitong langit nating lahat, wala ni dipa ng anino
para sa ating mga nagpamukadkad sa mga simboryo.

Ang tinapay, pulang apo ng manghahasik, ang atip—
tila dahon-dahon ng luwad at araw na sa mag-anak ay takip—
ang karapatang magmahal at maglakad, hindi ito sa atin:
Sa sarili nating buhay, tayo'y mga mangangalakal ng alipin.

Kaligayahan, ang karagatang hindi pa natin nakikita,
ang mga lungsod na hinding-hindi na natin mabibisita
ay bitbit natin sa ating mga kamao, tila mga bungang-kahoy,
ipinamamalita ang pinakamahalagang ani nitong panahon.

Ito lamang karapatang mamatay, mga kasama ng mundo!
Sandaang kamay ang naghahati-hati sa mga alay ng Globo!
Ito ang panahon upang ihagis ang sarili sa mga kalye't plaza
nang ating matubos ang Obra na tayo mismo ang gumawa.