Ago 5, 2012

Ang Tuta

ni Alexander Solzhenitsyn
aking salin


Ikinadena ng isang batang lalake sa aming bakuran si Sharik, ang kanyang maliit na aso, isang bola ng himulmol na nakatanikala simula pagkatuta.

Isang araw dinalhan ko siya ng mga buto ng manok, mainit-init pa at amoy masarap. Kapapakawala pa lamang ng bata sa kawawang aso upang makatakbo siya sa bakuran. Malalim at malabalahibo ang niyebe, at nagtatatalon roon si Sharik na parang kuneho, una gamit ang mga binti sa likuran, tapos iyong mga nasa harapan, mula sa isang sulok ng bakuran tungo sa kabila, paroo't parito, ibinabaon pa ang nguso sa niyebe.

Tumakbo siya sa akin, ang balahibo niyang magulo't makapal, tinalon ako, inamoy ang mga buto—at nagtatakbong muli, lumubog hanggang tiyan sa niyebe.

Hindi ko kailangan ang mga buto mo, sabi niya. Ibigay mo na lamang ang aking kalayaan . . .