Ago 8, 2012

Atlantis

ni Wisława Szymborska
aking salin


Matatagpuan sila o hindi sila matatagpuan.
Sa isang isla o hindi.
Isang karagatan o hindi isang karagatan
ang lumamon sa kanila o hindi.

Naroon ba ang sino man upang umibig kanino man?
May makakaaway ba roon ang kung sino man?
Nangyari ang lahat o walang nangyari
doon o sa kung saan man.

Pitong lungsod ang namayagpag doon.
Sa tingin natin.
Itinakdang manatili ang mga ito magpasawalang-hanggan.
Sa ating palagay.

Wala naman silang gustong mangyari. Wala.
May nais silang mangyari, oo, mayroon.

Tila isang palagay. Kahina-hinala.
Hindi nagugunita.
Hindi mahango mula sa hangin,
apoy, tubig, o lupa.

Hindi naisisilid sa loob ng isang bato
o sa patak ng ulan.
Hindi angkop para gamitin nang seryoso
bilang liksyon sa dulo ng kuwento.

Bumagsak ang bulalakaw.
Hindi bulalakaw.
Sumabog ang bulkan.
Hindi bulkan.
May isang nagpapunta sa kung ano.
Walang tinatawag.

Dito, sa mahigit kumulang na Atlantis.