ni Sylvia Plath
aking salin
Pag-ibig ang nagpaandar sa iyo, parang sa isang makapal na gintong relo.
Pinalo ng kumadrona ang iyong talampakan, at ang hubad mong iyak
Ay sumakop ng lugar kasama ng mga elemento.
Umuulyaw ang aming tinig, pinapalaki ang iyong pagdatal. Bagong rebulto.
Sa isang nakagiginaw na museo. Ang iyong kahubaran
Ang anino sa aming kaligtasan. Nakapaligid kami, singhungkag ng mga dingding.
Sa iyo'y hindi ako higit na ina
Kaysa sa ulap na nagdedestila ng salamin nang makita ang mabagal
Na pagkabura ng sarili sa kamay ng hangin.
Buong gabi, ang iyong hingang gamu-gamo'y
Umaandap-andap sa mga talipyang rosas. Gumising ako upang makinig:
Isang malayong dagat ang kumikilos sa aking tainga.
Isang iyak at nabuwal ako sa kama, simbigat ng baka at bulaklakin
Sa aking pantulog na Victorian ang hubog.
Singlinis ng sa pusa ang pagbuka ng iyong bibig. Ang parisukat ng bintana'y
Nagpapaputi't lumalamon sa malalalamlam na bituin. At ngayon,
Sinusubukan mo ang iyong sandakot na mga nota.
Pumapailanglang ang malilinaw na patinig na tila mga lobo.