ni John Ashbery
aking salin
Maniwala ka. Pina-iinog ang daigdig sa isang sintas ng sapatos.
Wala silang oras para balikan ang mga tawag sa impiyerno
At pagbayaran nang malaki ang mga minutong nasayang. Kung saan
Sa hinaharap ay masasala ang mga iyon mula sa lahat ng paglilitis
Ngunit pagsapit noo'y huli na ang lahat, ang simoy ng pista'y
Aali-aligid pa rin pero wala na itong saysay. Mahigit-kumulang
Ilang sandali'y sasabihin nila sa iyo ang matagal na rin nating nalalaman:
Na ang kapangyarihan ng klimang ito'y tanging nasa pagpapanatili ng sarili.
Anumang umiikid sa paligid nito'y palamuti at kailanma'y hindi
Pwedeng tignan bilang bagay na nag-iisa, na bukod. Kuha mo? At
Binuka niya ang bibig na puno ng mga ngiping aluminum doon sa karimlan
Upang sabihin kung paano ang hulog nito, at na mahuhulog, sa huli.
Minsa'y magiting silang naglakbay patungong California
At umuwi silang namumula. At ngayon, araw-araw nang
Kailangang kalimutan ang palagay na pagiging kaparehas ng iba.
Makatitindig din ito sa piling ng hangin, pero pagdating noon sarado na ang gabi.