Nob 28, 2012

P—

Huwag ka sanang maasar pero paano kung mas mabuti na nga ang ganiyan, diyan, kung saan wala nang magsasabi sa iyo na alam niya ang iyong pinagdaraanan. Mga nagmamarunong na hindi na nagsawa, mga iritadong walang perlas. Paano mo sila pinaalalahan? Banayad ka bang nagsalita, o nag-inom na lamang kung saan, nag-confide kung kanino, nagtimpi?

Wala na ang mga bubulong tungkol sa estado mo, sa kung sinong ama, at kung nasaan, kung kanino. Sabay ngiti, beso-beso. Wala nang mang-iinsulto sa iyo, pabalang, habang kalong-kalong niya ang iyong anak. Dahil estupida ka, anak mo lamang ang sadya, hello, gaga. Et, sa, pwe, ra.

Wala nang manunumbat dahil nasingil na sa iyo ang lahat nang maaaring singilin.

Sa amin na lamang itong daigdig at anumang nais nitong palabasin. Itong daigdig naming mga nagmamaangmaangan at pumapagitna. O tatanggapin mo bang muli ang lahat nang ito, kapalit ng iyong kung saan?

Walang komento: