Ene 1, 2013

Hindi na Nalalayo ang Huni

Kung paanong ang bukas
ay dalawang matandang tayo
sa ilang kabataang sila,

Magkatuwang na rayuma't buto
sa kiwal na hanay ng mga
nangangaglandiang bituka.

Kung paano nakukuhang uminog
sa ganitong paraan
nang pangilan-ngilan lamang

ang ngumingiti.
Ay, walang sinong makaiintindi.

May umaawit na ibon sa ating pagitan
na may pilay o ano sa huni
at hindi natin ito huhulihin, o mahuhuli.

Lumipas na ang dahong inipit sa kwaderno
ang samu't-saring pamamaraan
at may mga bagay na hindi tuwid

Sa ano ba namang nginig
nitong palad.
Ano pa ang nalalabi kundi

ilapat,
ilapat.

Walang komento: