Abr 18, 2013

Sa Alaala ng Isang Kaka-transfer Lamang

Totoong kwento. Dalawang linggo na ang nakaraan, kaso ngayon lang nakabwelo para isulat. Akala ko nga hindi na maisusulat e. Ganito, nag-text ang isang advisee, isang freshman na gustong kumunsulta. Sa simula, ayaw pa niyang sabihin kung bakit.

Nang magharap na kami at hawak ko na ang kanyang sulat, ayun, gusto palang lumipat sa Diliman. Ako naman si pa-adviser, konting tanong-tanong, konting testing kung gaano siya ka-desidido. Kung buo na nga ang loob, e di makalibre man lang siya ng ensayo. Malay natin, baka kausapin pa ito ng College Sec o ng Dean tungkol sa naturang pasya.

Sa isang punto nitong Q&A, may tinutukan akong parirala sa kanyang liham. Ayon doon, hindi na raw siya "productive" sa Los BaƱos.

"Anong ibig sabihin nito? May naramdaman ka na bang ganito nung hayskul? Baka naman phase lang."

"Sir, kasi nung hayskul ako, gustong-gusto ko po ang magsulat, ngayon parang nawala po."

"A, kasalanan 'yan ng titser mo sa HUM 1."

Na ako.

Pagkapirma, ibinalik ko sa kanya ang liham para dalhin sa chair, tapos sa college. Naisipan ko namang magsabi (yata, malamang, sana) ng good luck.

Walang komento: