ni Anna Akhmatova
aking salin
Maliwanag at dilaw ang ilaw ng gabi,
Banayad naman ang lamig ng Abril.
Gayong maraming taon ka nang nahuli,
Masaya ako ngayong narito ka na.
Umupo ka rito, halika na’t lumapit
At igala ang mga matang maliligaya.
Ang asul na kuwadernong ito’y hitik
Sa mga tulang sinulat ko bilang bata.
Patawarin mong nabuhay ako at namighati,
At hindi ipinagdiwang ang sinag ng araw.
Patawarin sana ang paniniwalang mali
Na ang napakaraming iba ay ikaw.